5 JOINT MILITARY FACILITIES ITATAYO NG US SA BANSA

Military chopper

INTERESADO ang United States na magtayo ng lima pang karagdagang joint military facilities sa Pilipinas sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Ito ang kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief-of-staff Lt. Gen. Bartolome Vicente Bacarro at National Defense Officer in Charge Senior Undersecretary Jose Faustino Jr.

Kabilang dito, ang dalawang posibleng sites sa Cagayan, Palawan, Zambales at Isabela subalit nilinaw ni Bacarro na hindi pa ito sigurado at kailangan pang aprubahan ng DND) at DFA.

Matatandaan, nilagdaan ang EDCA noong 2014 na nagpapahintulot sa tropa ng Amerika na magkaroon ng access sa designated Philippine military facilities, karapatan na magtayo ng mga pasilidad at preposition ng equipment, aircraft at vessels subalit hindi kasama rito ang pagkakaroon ng permanenteng military base sa bansa.

Sa ilalim din ng EDCA, nakikipag-ugnayan ang gobyerno ng Pilipinas sa Amerika para sa pagpapatayo ng mga pasilidad sa hinaharap sa may Cesar Basa Air Base sa Floridablanca, Pampanga; Fort Magsaysay Military Reservation sa Nueva Ecija; Lumbia Airfield sa Cagayan De Oro; Antonio Bautista Air Base sa Puerto Princesa, Palawan; at Benito Ebuen Air Base sa Cebu.

Agad naman nilinaw ni Faustino na ang EDCA sites na ito ay training facilities at warehouses lamang.

Ayon kay Bacarro posibleng pasimulan ang construction ng nabangit na EDCA facilities sa taong 2023 .

Gayundin, kinumpirma ni Faustino na ang mga nasabing sites ay karagdagan sa nauna nang limang inaprubahan.

Ang pagtatayo ng karagdagang EDCA sites ay natalakay sa ginanap na Mutual Defense Board – Security Engagement Board (MDB-SEB) meeting na dinaluhan nina Faustino at US Defense Secretary Lloyd Austin III sa Hawaii may dalawang buwan na ang nakalipas.

VERLIN RUIZ