5 KAANIB NG ARABE DRUG GROUP, 6 PA TIMBOG SA BUY BUST

CAVITE – NASAKOTE ang limang kaanib ng notoryus Arabe Drug Group nang makumpiskahan ng P69K halaga ng shabu sa isinagawang Anti-Illegal Drug Operation ng pulisya sa bahagi ng Brgy. Paliparan 3, Dasmarinas City sa lalawigang ito nitong Martes ng gabi.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 ang mga suspek na sina Daves Abare y Jurban, 30-anyos; Allan Hubella y Seyabi, 41-anyos; Faustino Cuarteros y Regalo, 46-anyos; Emmanuel Zurvitu y Guerrero, 49-anyos; at Wilfredo Escober y Rias, 40-anyos, pawang nasa talaan ng high-value individual (HVI) at mga nakatira sa nabanggit na barangay.

Base sa police report mula sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus City, isinailalim sa surveillance ang mga akusado kaugnay sa drug trade at nang magpositibo ay inilatag ang buy-bust operation sa pangunguna nina Captain John Mark C Presbitero ng PDEU at Major Ernesto B. Caparas Jr. ng PIU.

Nasamsam sa mga suspek ang 10 gramo ng shabu na nakalagay sa 6 plastic sachets na may street value na P69,000 at marked money na ginamit sa drug-bust operation.

Samantala, naaresto rin sa inilatag na drug-bust operation sa bahagi ng Brgy. San Nicolas 3, Bacoor City, Cavite ang mga suspek na sina Jessie Tolentino, John Carlo Olandez at Danilo Lomagdong na nakumpiskahan ng 2 gramo na shabu na may street value na P13, 600 at marked money.

Maging ang mga akusadong sina Jay-Ar Leona y Maghanoy, Jennifer Bongon y Pastoral at Henry Abando y Carandang ay naarersto rin sa drug-bust operation sa Brgy. Salittran 3, Dasmarinas City kung saan nasamsam ang 1.80 gramo ng shabu na may street value na P12, 240 at marked money. MHAR BASCO