Mahalaga sa bawat Filipino ang pamilya. Gagawin nila ang lahat upang masigurong maayos ang pamumuhay ng kanilang mga mahal sa buhay, ang katumbas man nito’y ang pagpunta sa malalayong bansa upang magtrabaho at kumita ng salapi.
Para sa overseas Filipino workers, ang bansang Japan ay isang popular na destinasyon upang kumita ng malaki, at magbigay ng dekalidad na pamumuhay sa kanilang pamilya. Mula noong 2017, ang mga Filipino ang pangatlong pinakamalaking lahi ng dayuhang manggagawa na matatagpuan sa Japan.
Sa paglaki ng aging population ng Japan, ang bansa ay nangangailangan ng marami pang dayuhang manggagawa. Bukod sa pagiging caregiver, o domestic helper, narito ang ilan pa sa mga kakaibang trabaho na maaaring pasukin sa Japan:
- Tokoshu Seiso (Lonely Death Cleaner)
Maraming mga OFW sa Japan ang tagapangalaga at tagalinis ng tahanan. Ngunit, may isa pang uri ng tagalinis na kinakailangan ng nasabing bansa. Sa paglobo ng aging population dito, tumaas rin ang bilang ng kodokushi o “lonely deaths.”
Kaya naman, may mataas din na pangangailangan para sa mga tokoshu seiso—o iyong mga indibiduwal na binabayaran upang maglinis ng naiwang gamit ng namatay. Hindi ito madaling trabaho, lalo na’t iisipin na ang isang indibiduwal ay pumapasok sa tirahan ng isang sumakabilang buhay na. Kung kaya’t ang isang tagalinis ay nag-aalay muna ng dasal sa namatay bago pumasok sa bahay at mag-ayos ng mga gamit nito.
- Ninjutsu (Part-time Ninja Trainers)
Kilala ang mga Filipino sa kanilang talento sa pagkanta at pagsayaw, kung kaya’t maraming entertainers ang napipiling magtrabaho sa mga theme park at cruise ship.
Sa Japan, ilang establisimiyento ang naghahanap ng “ninja trainers” na tumutulong magtaguyod ng turismo ng bansa, at nagtuturo sa mga bata ng magagandang kaugalian ng isang ninja.
Kung aksiyon ang hilig mo, at ikaw ay nangangarap maging ninja, ito ang trabaho para sa iyo.
- Sakura (Cherry Blossom, or ‘decoy’ in Japanese lingo)
Kilala rin bilang mga “hospitality supporter,” ang mga decoy ay binabayaran bilang mga huwad na bisita sa kasal, pagpupulong, at iba pang pagdiriwang. May isa ring kompanyang nag-aalok ng huwad na kasintahan, o panauhin sa libing. Dahil ang mga Pinoy ay likas na magiliw at pala kaibigan, ito ay isang trabahong maganda ring pag-isipan.
- Narabiya (Professional Queuer)
Ipagpalagay mong nakapila ka upang mag-renew ng lisensya sa pagmamaneho, nang bigla mong maalala na naiwan mong bukas ang iyong kalan sa bahay. Ano ang iyong gagawin? Tumawag ng isang tao na handang pumila para sa iyo! Posible ito sa Japan. At kung payag kang gawin ito sa loob ng ilang oras, maaari kang kumita ng higit sa JPY 15,000 (PHP 7,000).
- Kensetsu Sagyo-in (Construction worker for the 2020 Olympics)
Puspusan na ang paghahanda para sa nalalapit na Olympic Games sa Tokyo. Dahil malalaking stadium, at iba pang estruktura ang itinatayo sa lugar, kailangan ng Japan ng mga manggagawa na tutulong tapusin ang trabaho nang naaayon sa itinakdang panahon o oras. Ikaw man ay isang karpintero, inhinyero, or arkitekto, may gawaing nakalaan sa pagpapatayo ng gusaling pang-Olympics. Hindi ka lamang makapagtatrabaho sa Japan, masasabi mo pang bahagi ka sa paglikha ng isang makasaysayang pagdiriwang.
Kung isa kang OFW, nagtatrabaho ka nang husto upang kumita, palakihin ang ipon, at paghandaan ang kinabukasan ng iyong pamilya. Anuman ang hinihingi ng iyong trabaho, handa kang magsakripisyo at gawin ang trabaho upang makapagpadala ng salapi sa iyong mga mahal sa buhay.
Habang naghahanap ng paraan ang OFW upang kumita ng sapat para sa kanilang pamilya sa Filipinas, naghahanap din ng paraan ang BDO upang pangalagaan ang yaman ng isang OFW, at magbigay ng mga opsiyon sa pagpapadala ng pera sa kanilang mga mahal sa buhay. Ang BDO ay mayroong 500+ na Cash Agad partners, 400+ na ATM machines, at 1000+ branches sa buong bansa; pinadadali at pinagiginhawa rin nito ang paraan upang maayos na makapag-withdraw ng remittance ang mga benepisyaryo ng OFW.
Comments are closed.