KUMUSTA, ka-negosyo? Malapit nang matapos ang taon at kailangan mo na ring maghanda sa iba’t ibang kasanayan para sa pagnenegosyo sa 2021. Kung anuman ang mga nakagawian mo sa taong ito at sa mga nagdaang taon, baka oras nang baguhin ito o madagdagan na ng mga bagong kaalaman at kasanayan. Narito ang ilang mahahalagang gawain at kasanayan na magagamit mo para sa susunod na taon. O siya, tara na at matuto!
#1 Magkaroon ng mga planong madaling baguhin
Ang pagiging “flexible” o ‘yung madaling makibahagi ay isang kasanayan na maaaring matutunan at magamit sa pagnenegosyo. Katulad na nga nitong pagpasok ng pandemya kung saan biglang nag-iba ang ihip ng tadhana sa pagnenegosyo. Kung saan biglang umangat lalo ang pagnenegosyo gamit ang teknolohiya o digital. Kung ‘di ka nga naman nakaayon kaagad sa ganitong istilo ng pagnenegosyo, bagsak ka na at matatagalan bago muling makabangon. Kaya naman sa pagpaplano, maigi na rin ‘yung kaya mong baguhin kaagad ang mga plano mo. ‘Di lang ito ‘yung pagkakaroon ng nakahandang dalawa o tatlong plano (Plan A, B, C). Ito ‘yung kasanayan na kaya mong baguhin o iayon ang plano dahil sa mga pagdikta ng panahon o ng kostumer. Isang halimbawa ‘yung pagpihit ng isang negosyo naming nagmula sa gadget na pangmangingisda, naipihit namin ito sa paggawa ng mga booth para magamit sa COVID-19 swab collection na nagamit sa buong bansa. Ito ay nakapagpaangat sa aming cashflow sa mga panahong ito.
#2 Mag-pokus sa benta at kita
Lahat naman ng nagnenegosyo, benta ang habol, ‘di ba? Ang pagpokus sa mahahalagang numero gaya ng benta at kita ay dapat na mariing tinututukan kung nais mong magtagumpay sa pagnenegosyo. ‘Di naman masamang tutukan ang operasyon, komunikasyon at iba pang aspeto ng negosyo. Ngunit sa dulo, ang benta ang dapat mong pag-ukulan ng hiigit na oras. Ito kasi ang kabuuan ng lahat ng ginagawa mo sa iyong negosyo. Marami kasing negosyante ang inihahabilin sa ibang tao ang benta. Kung makikita mo ang mga numerong importante sa negosyo mo, makikita mo na ang benta o kita ang siyang magiging inampalan. Ang simpleng paraan upang malaman kung ok ang benta o kita mo ay sa pag-alam ng halaga ng operasyon mo at kung ano ang kita mo. Kung gumagastos ka ng 200 piso at ang kita mo ay 100 piso, magdalawang-isip ka na sa sistema mo.
#3 Gumamit ng mga makabagong teknolohiya
Sa panahong ito ng pandemya, mas marami ang umungos sa kanilang negosyo nung gumamit sila ng makabagong teknolohiya. Isang halimbawa ay ang paggamit ng mga commerce platforms kung saan ang pagbebenta ay online na. May gumamit na rin ng Facebook menu at checkout. Tandaan na ang makabagong teknolohiya ay ‘di dapat katakutan, iwasan o iaasa sa iba. Kailangan mong matutunan ito bilang isang kasanayan na siyang magpapaungos sa iyong negosyo sa hinaharap. Sa ngayon, maraming aspeto ng pagnenegosyo mula sa accounting, payrolling at sales ang puwede nang gamitan ng teknolohiya o automation. Saliksikin mo lang ito nang maiigi. Ano, game na?
#4 Gumamit ng Social Media
Kung may Facebook ka, alam mo na siguro ang halaga nito. Ang tanong, paano mo ba ginagamit ang Facebook mo sa pagne-negosyo? Nitong nag-pandemya, maraming tao ang nag-connect sa akin sa FB upang i-recruit ako sa online business nila. Sa totoo lang, wala akong inoohan kasi nga sobrang busy ko na. Bukod doon, online din naman ang negosyo ko kaya “all-hands-on-deck” na ako. Kung walang positibong aspeto ang paggamit ng FB sa negosyo, bakit ang daming oportunidad na sumusulpot pa rin? Sa simpleng paraan ng pagsali at pagbuo ng mga komunidad na gaya ng sa social media, mas mabilis kang makakaungos sa negosyo mo. Ganito lang iyan kasimple. Kaysa magbahay-bahay ka at magkakatok sa bawat pinto para mai-offer ang produkto o serbisyo mo, mas mabilis sa social media. Kailangan mo nga lang pag-aralan ang mga teknik para magtagumpay ka dito. Ibang larangan o mundo man ito, makakasanayan mo rin. Tandaan, ang 50 milyon na nasa FB ay mga totoong tao. Malaking oportunidad ito, ‘di ba?
#5 Praktis lang nang praktis!
Siguro naman ‘di na ‘to kailangan pang ipaliwanag nang mahaba. Alam naman natin na kung may isang kasanayan na nais mong matutunan o mapalawig, praktis lang dapat. Kaya nga “kasanayan” ang tawag kasi sa kakagawa mo ng isang bagay, masasanay ka rin. Kung anuman ang ‘di mo alam ngayon at sa tingin mo kakailanganin mo sa hinaharap, alamin mo at magsanay. Ganito ang ginawa ko noong 2005 noong ako’y mag-aral ng paggawa ng website. Nang matutunan ko ito, nagsimula na akong mag-blog. Ngayon, 30+ na ang sites ko sa iba’t ibang parte ng mundo na nakatuon. Praktis lang, ka-negosyo!
Konklusyon
Maraming bagay ang kailangan mong matutunan at makasanayan upang magtagumpay ka sa 2021. Umpisahan mo na ngayon din. See you sa finals! Ang pagnenegosyo ay may halong hirap at saya. ‘Wag kang tututok lang sa hirap kundi sa saya na dulot nito dahil ngayon, ikaw na ang boss!
Tandaan din, sa lahat ng bagay, dasal, tiyaga at tiwala sa sariling kakayahan ang kailangan upang magtagumpay, ka-negosyo!
Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Magmensahe lamang sa email na [email protected] kung may mga katanungan.
Comments are closed.