5 KASAPI NG ARMED GROUP TODAS SA ENGKWENTRO

KALINGA – LIMANG miyembro ng robbery hold-up gang ang napatay makaraang makipagsagupaan sa tropa ng pulisya sa itinayong Comelec checkpoint sa Brgy. Malalao, Tabuk City, Kalinga kahapon ng tanghali.

Lumilitaw sa imbestigasyon na nakatanggap ng impormasyon ang pulisya kaugnay sa modus operandi ng nasabing grupo mula sa Rehiyon 2, 3 at 4 na pinaghihinalaang may ibibiyaheng marijuana.

Gayunpaman, kaagad na itinayo ang Comelec checkpoint kung saan namataan ang isang gray/black Almera na may plakang NUS 11 kaya pinara ito subalit sa halip na huminto ay pinatukan ang ilang pulis na nagbabantay sa checkpoint.

Dito na nagkahabulan na nauwi sa matinding bakbakan, dead on the spot ang dalawang suspek habang ang tatlo pang kasamahan ng mga ito ay sinubukang mailigtas kaya’t itinakbo sa pagamutan subalit nasawi rin habang ginagamot.

Bukod sa narekober na apat na caliber .45 na baril, isang 9mm pistol isang granada, mula sa mga suspek ay nakakuha rin ang mga awtoridad ng 23 bricks ng dried marijuana na may kabuuang halaga na nasa P2.7 million.

Sinasabing may pagkakakilanlan na ang tatlo sa mga suspek dahil sa mga ID na nakuha sa kanila kung saan lumilitaw na pawang mga taga-Pampanga ang mga ito pero, ayon kay Major Garry Gayamos ng Kalinga Police Provincial Office ay kailangang maberipika muna kung ito ang tunay nilang mga pangalan at address.

Ipinag-utos ni Col. Peter Tagtag, Jr., provincial director ng Kalinga Provincial Police Office na i-validate sa PNP Region 3 ang mga nakuhang ID card sa crime scene gaya ng isang suspek na nakuhanan ng professional driver’s license at Anti Organized Crime and Corruption Intelligence Group ID na may pangalang Ian Salutin Zulueta at ID card na may picture mula Barangay Tangle of Mexico, Pampanga.

Isa sa mga suspek ang nakuhanan ng Anti-Organized Crime and Corruption Intelligence Group identification card na may pangalang Jose S. Libreja.
MHAR BASCO/ VERLIN RUIZ