TAWI-TAWI- LIMANG kasapi ng teroristang grupo na Daulah Islamiyah ang kusang loob na sumuko sa Philippine National Police (PNP) na sinasabing kabilang sa listahan ng potential private Armed group sa Brgy. Pag-Asa, Bongao ng lalawigang ito.
Sa ulat na natanggap ng PNP General Headquarters sa Camp Crame, Quezon City, kabilang ang mga ito sa Alvarez group o mas kilala sa tawag na “Seven Dwarf Group” na dating pinamunuan ni Alrashid Alvarez alias “Al” na nasawi kasama ang kanyang dalawang tauhan sa nangyaring engkuwentro noong Disyembre 2015.
Kasamang isinuko ng mga dating terorista ang isang Caliber .45 pistol, isang magazine na may isang live ammunition at itinurn over sa Bongao Municipal Police Station para safekeeping at proper disposition.
Pinuri naman ni BGen Arthur R. Cabalona, Regional Director, PRO-BAR, ang lahat ng law enforcement units na nagtulong tulong para maging matagumpay ang pagsuko ng mga ito.
Sinabi pa ni Cabalona na tuloy tuloy rin ang kanilang mga tactical operation at intelligence monitoring para mabuwag ang mga armed groups sa kanilang area of responsibility upang matiyak na magiging malinis, mapayapa maayos ang gaganaping eleksyon sa kanilang nasasakupan. VERLIN RUIZ