5 KATANGIAN NG MATAGUMPAY NA ENTREPRENEUR PARA SA 2020

homer nievera

MARAMING nais maging entrepreneur o negosyante. Pero iilan lang naman ang nagiging matagumpay. Mayroon kasing mga natatanging katangian ang mga entrepreneur na nagtatagumpay. Kahit paano, nagbabago rin  ito ayon sa panahon.

Ang tanong, mayroon ka kaya ng mga katangiang ito?

Kung nais mong magtagumpay sa 2020 bilang isang bago man o matagal-tagal na entrepreneur, narito ang ilang bagay na dapat ay mayroon ka. Tara na!

#1 Matinding magplano at maghanda

Maraming entrepreneur ang ‘di nagtatagumpay sa kanilang napiling negosyo dahil na rin sa kakulangan sa preparasyon. Kung akala mo kasi ay ga-noon-ganoon lang ang pagnenegosyo, nagkakamali ka. Kung akala mo rin ay dahil naging matagumpay ka sa isang negosyo, magtatagumpay ka na sa-susunod mong negosyo, maling-mali po ito.

Ang mga matagumpay na negosyante ay alam na kailangan ng masusing pag-aaral at paghahanda sa anumang gawain. Kung palpak kang magplano, palpak ang resulta nito.

Ang entrepreneur na maayos magplano ay madetalye at masinop. Ang pagsiyasat sa mga bagay-bagay gaya ng lokasyon ng tindahan, ang pagbibi-lang ng trapiko (mga kostumer), ang pagtsek sa kumpe­tisyon at ang pagsasaa­yos ng produkto at serbisyo ay ilan lang sa mga gawain na kasama sa maayos na pagpaplano.

Ang tip ko ay simple. Kung naisip mo ito na maaaring mangyari, malamang, mangyayari nga ito. Kaya dapat pag­handaan. Ilang negosyo na ang aking nakitang bumagsak sa simpleng kakulangan ng pagkuha ng insurance. Mayroon ding mga negosyong bumagsak nang ‘di napag­handaan ang kamatayan ng isang partner. Isipin mo na ang lahat ng puwedeng mang­yari. Paghandaan ang lahat ng ito.

#2 Mahaba ang pasensiya

Kung sa tingin mo ay dapat laging nagmamadali ang isang mahusay na entrepreneur, nagkakamali ka.  Ang konteksto ng pagmamadali ay ang paglabas ng isang produkto o serbisyo nang mas mabilis kaysa sa kalaban. O kaya ay ang paghahanda para sa tamang timing, na siya ring may kinal-aman sa pagiging mahaba  ang pasensiya.

Tandaan mo na ang bawat bagay ay pinag-iisipan nang maigi. Lalo na kung may kinalaman sa pagtuturo sa mga tauhan, sa pagkuha  ng ka-partner, sa pagiging masinsin sa kalidad at iba pa.

Kung ikaw ay nagpaplano o naghahanda para sa iyong negosyo, katuwang nito ang pagiging mapagpasensiya.

#3 Matindi ang pokus

Ang karamihan ng mga negosyong ‘di nagtagumpay ay may kinalaman sa sabog-sabog na implementasyon ng mga napagplanuhan  at gawain. May kinalaman din ito sa kawalan ng pokus ng lider at ng mga tauhan kung saan paiba-iba ang ginagawa.

Ako ay may tinatawag na ADHD kung saan hirap akong magpokus sa iisang gawain. Mabilis kasi akong magambala (ma-distract). Kinaila­ngan kong madisiplina at masanay ang aking sarili sa pagpokus para magtagumpay ako sa aking negosyo. Kapag binabalikan ko ang mga negosyo kong ‘di nagtagum­pay, nakikita ko ang aking sarili na ‘di nakapagpokus sa iisang produkto, serbisyo o hangarin.

Kaya naman ang ginawa ko, kumuha ako ng mga ka-partner or tauhan na mas may pokus kaysa sa akin. ‘Yun ang naging susi para magtagumpay ako.

#4 May motibasyon at puwersa sa sarili

Kung ikaw mismo na bilang lider sa isang negosyo ay nawawalan ng bilib sa iyong gawain at sa sarili, sigurado na ang pagbagsak mo. Ganyan kahalaga ang pagkakaroon ng motibasyon at sariling puwersa para maisakatuparan ang lahat ng dapat gawin upang magtagumpay.

Paano mo maibaba­ngon ang sarili mo sa araw-araw? Tanungin ang sarili mo kung bakit mo ito ginagawa. Hanapin mo ang mga rason kung bakit kailangan mong magtagumpay. ‘Yan mismo ang babangon sa iyong sarili at magiging motibasyon mong lumagay sa tamang pag-iisip.

Madalas kong sabihin sa mga taong mine-mentor ko na ang tunay na kalaban nila ay ang kanilang sarili – wala nang iba. Ang tunay na multo o takot ay ‘yung nasa kanilang pag-iisip lamang.

Kung ikaw ay babagsak, matuto kang bumangon agad. Huwag mong  iisipin kung ano ang iisipin ng ibang tao. Ang sarili mo ang  iyong dapat ita-guyod.

Tandaan mo na lahat ng entrepreneur ay may kinakaharap na takot  at kakulangan sa motibasyon sa araw-araw. Ang tanong, sino ang umuungos da-hil sa paghatak niya sa kanyang sarili. Bangon!

#5 May lubos na integridad

Madalas lumabas ang salitang “integridad” sa aking mga pitak. Bakit nga hindi? Ang kahit na sinong entrepreneur na matindi ang integridad ay si-yang umuungos at nagtatagumpay. Sa dulo, ang taong pinagkakatiwalaan ay nabibiyayaan.

Maging bukas ang pananaw mo sa pagi­ging matapat sa lahat ng bagay. Maging ito ay sa iyong tauhan, kostumer, ka-partner, at lalo na sa iyong sarili.

Pagtatapos

Ang pagiging entrepreneur ay sadyang ‘di para sa lahat. ‘Di ito para sa mahina ang loob at kulang ang tiwala sa sarili.

Lagi kang magkaroon ng kumpiyansa  sa sariling kakayahan at mag-aral pa sa mga kakulangan. Magkaroon ka ng sipag at tiyaga at maging masinop sa lahat ng bagay.

Buong tapang mong harapin ang bukas. Ipag­patuloy ang positibong pananaw at kilalanin ang kakayahan mong lumago. Higit sa lahat, mangarap para sa kinabukasan kasama ng pagtiwala sa sarili at pananampalataya sa Diyos.

o0o

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Maaari siyang makontak  sa email niya na [email protected].

Comments are closed.