5 KATAO NABIKTIMA NG HIT AND RUN

hit and run

LAGUNA – TARGET ng pulisya ang tsuper ng truck na res­ponsable sa  insidente ng hit and run na malubhang ikinasugat ng limang katao sa may kahabaan ng National Hi-Way, Bgy. Sta. Maria Magdalena, lungsod ng San Pablo.

Batay sa ulat ni PLt. Col. Eliseo Bernales, hepe ng pulisya, nakilala ang biktimang si Mariano Jr. Abainza, 53, tricycle driver, at miyembro ng pamilya nitong sina Ray Ivan Abainza, 13, Juanita Abainza, 53, Ray Anne Jade Abainza, 15, at isang Jewerie May Abainza, 15, pawang mga residente ng Bgy. Imok, Calauan, Laguna.

Sa imbestigasyon, dakong alas-2:00 nakaraang Linggo ng madaling araw ng maganap ang naturang insidente habang aktong papauwi ng kanilang tirahan ang mga biktima lulan sa isang Yamaha 125 na tricycle na minamaneho ni Abainza ng suruin ito ng paparating na truck habang patungo sa lungsod ng San Pablo.

Dahil dito, tumilapon ng malayo ang tricycle sa gilid ng kalsada kasama ang limang biktima samantalang ang natu­rang truck na hindi naplakahan ay mabilisang tumalilis patungo sa kabayanan.

Agarang isinugod ng mga residente sa Pagamutang Pangmasa ng Laguna (PPL) ang mga biktima kung saan nagtamo ng maraming sugat at pagkabali ng ibang parte sa kanilang katawan habang ang hindi pa nakikilalang tsuper na nagmamaneho ng truck ay patuloy na kinikilala ngayon ng mga awtoridad.

Kaugnay nito, patuloy na umaapela sa pulisya at sa kinauukulan ang mga biktima para sa agarang pag-aresto sa suspek. DICK GARAY

Comments are closed.