5 KELOT NA DE BOGA HULI SA TUPADA

baril

BULACAN – LIMANG sabungero ang natimbog ng pulisya makaraang mahuli ang mga ito na aktong nagpapatakbo at tumataya sa tupada at makumpiskahan pa ng baril matapos magsagawa ng anti-illegal gambling operation sa Brgy. Sto. Rosario, Hagonoy kamakalawa ng tanghali.

Kinilala ni Lt.Col. Roginald Francisco, Acting Chief ng Hagonoy Police, ang mga naarestong sina Enrique Santos, 44; Crispine Cruz, 30; Manolito Guinto; Eduardo Caparaz, 34; at alyas Norman, pawang residente sa Barangay Sto. Rosario, ng nasabing bayan na nakapiit at nahaharap sa kasong illega gambling.

Nabatid na nakatanggap ng impormasyon ang Hagonoy police hinggil sa ilegal na sabong na nagaganap sa Barangay Sto. Rosario kaya kaagad na umaksiyon ang awtoridad at sinalakay ang lugar saka nahuli ang mga suspek habang nagkakagulo sa tupadahan.

Wala nang nagawa ang mga suspek nang makorner ng awtoridad at marekober sa mga ito ang dalawang tinale, dalawang tari, cash na P1,670 at isang long firearm na caliber 45 thompson na walang serial number kaya nadagdagan ang kasong kriminal na kinakaharap ng mga suspek.

Pinatitindi ng Bulacan-PNP ang kampanya laban sa iba’t ibang uri ng kriminalidad, droga at illegal gambling base sa direktiba ni P/Col. Emma Libunao, Acting Provincial Director ng Bulacan-PNP kaya matindi ang isinasagawang police operation sa lalawigan. MARIVIC RAGUDOS

Comments are closed.