(5 lugar may kaso ng Delta variant) WALANG LOCKDOWN SA MAYNILA

KAHIT na kumpirmadong may kaso ng Delta variant sa limang lugar sa Maynila,walang planong magsagawa ng lockdown ang pamahalaang lokal.

Ang impormasyon ay ipinarating kay Manila Mayor Isko Moreno sa pulong ng metro mayors, Metro Manila Development Authority (MMDA) at health authorities.

Ang limang lugar na tinukoy kung saan mayroong tig-isang kumpirmado kaso ng Delta Variant ay ang Sampaloc, Parola, Gagalangin (Tondo), Apacible sa Ermita at Taft Avenue.

Sa kabila nito,iginiit ni Moreno na wala siyang intensiyon na magsagawa ng lockdown dahil magreresulta ito sa kagutuman ng mga residente.

“Wala sa antenna ko ‘yan. Wasak na ang ekonomiya, magugutom kayo,” diin ng alkalde.

Dahil dito, pinayuhan ang mga residente sa mga nasabing lugar na maging maingat dahil laging may panganib na dala ang nasabing variant at kailangan din na maging responsable ang lahat.

“Paalala sa limang lugar ‘yan ang bagong case. Ligtas sila, ‘yung iba positive pero asymptoma­tic at sa awa ng Diyos, wala pang napaulat na bumaba ng CT (cycle threshold) value,” ayon sa alkalde.

Sa ulat ng Manila Health,negatibo sa tests ang mga pamilya ng mga pasyente na tinamaan ng Delta variant at ang mga nakasalamuha ng mga ito na nagpositibo ay maga­ling na.

Ipinaliwanag ni Moreno ang kahalagahan ng CT value, aniya,“Ibig sabihin, ang cycle threshold value pag below 20 kailangan ipadala sa genome. Kapag 20 up, regular SARS-COV2. Pero either way, pareho lang ng epekto na pwede kayo malagay sa bingit kung nakuha mo ay variant.

They are all deadly dahil walang cure.”

Sinabi pa nito,mas matinding problema ang dulot ng Delta variant dahil mabilis itong kumalat na malamang na mapuno ma naman ang mga ospital.

Samantala, ang specimen na nakuha mula sa pasyente ay may CT value na mababa sa 20, ibig sabihin ay ipapadala ito sa genome center para analisahin kung ito nga ay variant o hindi.

“Di na tayo magtuturo. Let’s just focus on the tasks of continuing to lower the possibility of infection; prepare the city’s capacity to withstand any surge in terms of faci­lity, medicine, oxygen and all other things needed and continue to behave and learn to live responsibly, with COVID in our midst,”dagdag pa nito.

Tiwala rin ang alkalde na nauuna na ang lungsod pagdating sa kakayahan at kapasidad laban sa impeksyon. VERLIN RUIZ

Comments are closed.