LIMANG lugar sa National Capital Region ang isinailalim ng Department of Health sa moderate risk dahil sa patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases.
Kabilang dito ang lungsod ng Pasig, San Juan, Quezon City, Marikina at Pateros.
Batay sa DOH, isinasailalim sa moderate risk ang isang lugar kung ito ay makitaan ng positive two-week growth rate sa bilang ng COVID-19 cases at average daily attack rate o ADAR na nasa 6 average cases per day sa kada 100,000 populasyon.
Kaugnay nito, sumampa sa 5.6% ang COVID-19 positivity rate sa Metro Manila nitong Hunyo 22.
Mas mataas ito sa 3.9% na naitala noong Hunyo 18 at lagpas sa 5% benchmark ng World Health Organization.
Pero ayon kay OCTA Research Fellow Dr. Guido David, hindi pa ito nakaaapekto sa mga kaso dahil nananatili pa rin sa low risk ng COVID-19 ang Pilipinas.
Anim namang lugar sa bansa ang nakapagtala ng mataas na positivity rate na lagpas sa 5.6%.
Ito ay ang Batangas na may 8.3% na positivity rate; Cavite, 5.7%; Laguna, 7.1% ; Rizal, 8.2%; at Iloilo, 5.6%.
Ang positivity rate ay tumutukoy sa porsiyento ng mga indibidwal na nagpopositibo sa COVID-19 mula sa mga taong sumailalim sa COVID-19 testing.