5 MAGNANAKAW NG  MOTORSIKLO, ARESTADO

magnanakaw

NASAKOTE ang limang hinihinalang drug personalities na sangkot umano sa pagnanakaw at pagkatay ng mga motorsiklo sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Noel Flores ang mga naares­tong suspek na si Angelo Arboleda, 38, Henrick Paul Mendoza, 32, Mark Ramirez, 24, Roy Santos, 40 at Niño Manacho, 36, pawang Brgy. 176, Bagong Silang.

Ayon kay Caloocan Police Deputy for Administration P/LT Col. Ferdie Del Rosario, nagkasa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Caloocan Police Anti-Carnapping Unit (ANCAR) at Police Community Precinct (PCP) 3 sa pangunguna ni Maj. Raymond Nicolas kontra sa sindikato na nagnanakaw at nagkakatay ng mga motorsiklo kasunod nang pagkakaaresto ng isa sa kanilang miyembro na si Maico Dejoras noong Hunyo  9, 2019.

Isa sa mga biktima na si Philen Tulawie ang humingi ng tulong sa pulisya nang makita niya ang isa sa mga suspek na palabas ng compound na nagsilbing katayan ng motorsiklo sa Phase 9 Maharlika, Brgy. 176 habang bitbit ang markadong rim ng kanyang motorsiklo.

Bandang alas-2:30 ng madaling araw nang salakayin ng mga pulis sa pangunguna ni Maj. Nicolas at Capt. Elany Vallangca, head ng ANCAR ang naturang lugar na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Narekober sa mga suspek ang tatlong plastic sachets ng hinihina­lang shabu, ilang drug paraphernalia at 12 na pinaniniwalaang nakaw na mga motorsiklo.

Sinabi ni Maj. Nicolas, positibong kinilala ng mga biktimang sina Tulawie, Mark Lester, 30, Tracy Ballen at Sabalza Anita, 42, pawang ng Brgy. 176 Bagong Silang ang kanilang mga motorsiklo na kasama sa mga narekober na sasakyan. EVELYN GARCIA

Comments are closed.