5 MAHAHALAGANG PAALALA SA MGA NAGTATAYO NG NEGOSYO SA PANAHON NG PANDEMYA

homer nievera

KUMUSTA ka naman,  ka-negosyo? Sana naman ay nasa mabuti at ligtas kang kalagayan. Nawa’y sinusunod mo ang lahat ng safety at health protocols upang ‘di na kumalat at mapuksa natin ang virus na itong nagpadapa sa ekonomiya natin at kumitil at nakaapekto sa libo-libong kababayan. Sa panahong ito ng COVID-19 pandemic, walang kasiguraduhan ang maraming bagay. Sa totoo lang, lahat ng naiplano mo noong isang taon at ang pagsasagawa ng mga planong iyon ay naisawalang-bahala mo na, ‘di ba? Ngunit sa mga ganitong panahon din ng krisis lumalabas ang mga magagandang  ideya. Ang problema na lang ay kung paano ito maisasakatuparan. Kung nakapagsimula ka na ng pagbebenta  online, mabuting senyaled  iyan.  Kaya naman sa pitak na ito, limang paalala na  lamang muna ang aking ibabahagi sa inyo upang mas magtagumpay ka sa pagnenegosyo sa panahon ng pandemya.O siya, tara na at matuto!

#1 Intindihing mabuti ang pamamahala ng gastusin

Sa larangan ng pagnenegosyo, lalo na sa panahon ng krisis, ang gastusin mo na personal at pangnegosyo ay isa sa pinakamahalagang bagay na dapat pagtuunan ng pansin. Bakit? Dahil sa mas kakaunti ang kostumer at mas marami ang nagbebenta sa merkadong iyong ginagalawan, mas kakaunti ang cash (o pera) na umiikot. Bukod dito, mas lumiit na rin ang merkado  dahil milyon-milyong tao ang nawalan ng trabaho. Tingnang mabuti ang halaga ng perang pumapasok at lumalabas. Sa simpleng gawain, ang pag-analisa sa tubong inilaan  sa produtong ibinebenta ay dapat kumasya sa lahat ng gastusin at may matira para sa personal na pangangailangan at sana, pandagdag puhunan. Maaari ka ring kumuha ng  tools online gaya ng mga accounting software na simpleng input at output lang ang gagawin upang makita ang pagpasok at paglabas ng pera. Marami sa online na aayon sa liit o laki ng negosyo mo. Magsaliksik ka lang. Ang suhestiyon ko ay magkaroon ka ng mentalidad lagi ng isang startup na negosyo kahit lumalaki ka na. Iyan ay upang laging nasa tipid-mode ka.

#2 Hanapin ang niche mo

Sa panahon ng kahit na anong krisis, ang pagkakaroon ng malaking merkado ang hanap ng mga negosyante upang mabilis na umangat kaysa iba. Ngunit ang katotohanan, mas maliit naman talaga ang ginagalawang merkado. Ano naman ang gagawin sa ganitong sitwasyon? Maghanap ka ng maliit na niche – o angkop na lugar o merkado – na iyong gagalawan. Ang negosyo ng pag-blog o pag-vlog ay napakahirap sa simula kung  nais mong makuha ang atensiyon ng lahat ng tao online. Ngunit kapag nag-umpisa ka lang sa isang maliit na segment ng merkado, mas magtatagumpay ka. Pansinin mo ang mga sikat na Youtube vlogger na kilala mo sa kanilang iba’t ibang larangan. May  nasakop ang mga motorcycle rider o nagde-deliver o kaya’y nagluluto, sumasayaw, kumakanta at marami pang iba. May kanya–kanya silang audience o tagapagsunod na iyong napiling niche ng vlogger ay naaayon sa hilig ng iilang tao lang (at ‘di pangkalahatan). Ang resulta ay ang mga loyalistang followers  na siyang nag-subscribe sa kanilang channel. Ganyan kasimple ang eksplanasyon ko sa paghahanap ng niche sa iyong negosyo. Kahapon, habang nililinang ko ang mga nag- post sa aking Negosentro FB Group ng kanilang mga paninda online, napansin ko agad ang mga kakaibang niche na pinagtutuunan ng pansin ng mga online seller na miyembro ng Negosentro. Naroon‘yung mga nagbebenta ng low cost housing, condo, alahas, relo, computer at pati electric fan na sari-sari talaga. Pati nga  nagbebenta ng barbeque at isaw, mayroon! ‘Yan ang tinatawag na niche selling kung saan ‘di labo-labo ang ibinebenta nila. Diyan ka makakakuha ng paulit-ulit na kostumer kasi ikaw agad ang maiisip nila kung kilala ka sa ganoong produkto o serbisyo. Pag-aralan mo ang merkado mo at kung anong niche nabibilang ang mga paninda mo, ok? Magsimula ka muna sa maliit na niche at unti-unti ka na lang magpalaki.

#3 Buuin mo ang iyong website

Paulit-ulit ko itong sinasabi sa aking mga nakaraang pitak, ang pagbuo ng sariling website. Bakit nga ba lagi ko itong binabanggit? Sapagkat ang mga tao ngayon ay mas higit na digital. Wala namang masama ‘yung magsimula ka sa ng online marketplace gaya ng Lazada at Shopee. Ang pag-level up mo sa sariling website ang senyales sa iyong mga kostumer na super legit ka na. Mas propesyunal na ang dating ng negosyo mo.Paano ba magsimula ng sariling website?Unang-una, puwede ka naman magsimula sa Wix (wix.com) na may simpeng drag-and-drop na paraan ng paggawa ng website. Oo, ito ay D-I-Y (o do it yourself). Kapag medyo nag-level up ka na ng kaalaman, subukan mo ang WordPress. Madali lang naman ito kasi kukuha ka lang ng  themes na gagamitin at ‘yun na! Siyempre, puwede ka ring magpagawa ng website sa mga propesyunal. Kami ang charge namin ay mula 5,000 pesos para sa mga ‘di naman pang-ecommerce na site, at pataas na ito hanggang 15,000 pesos ang simula ng ecommerce na site. Huwag lang kalimutang magpa-host ng website mo at kumuha ng sarili mong domain name.

#4 Pagkakaroon ng maayos na SEO o Search Engine Optimization

Ang isang istratehiyang pang-search marketing o ‘yung paano kamatatagpuan ng mga nag-search sa Google ay tinatawag na SEO. Kung nagtayo ka ng blog o website mo, kailangan mo ito upang mas madali kang ma-search ng mga tao na magiging kostumer mo. Ang simpleng pagpapalaganap ng keywords na naaayon  sa iyong website o brand ang nagagawa ng SEO. Mas mahirap nga lang ang trabahong ito kasi nga ay may kinalaman ito sa tamang pagsusulat  o pagpapalaganap ng iyong mgacontent online, gayundin sa mga social media. May mga kostumer naman ako na nagsisimula sila sa pagpapalaganap ng mga artikulo ukol sa kanilang negosyo. Nakatutulong din ito sa SEO ngunit may siyensiya kasi ang paggawa mismo ng mga artikulong pasok sa standards ng SEO. Magsaliksik ka ng ukol dito sa SEO dahil mahalaga talaga ito sa negosyong online.

#5 Maging Thought Leader o manguna sa pagpapalaganap ng mga ideya

Tandaan mo na sa kasalukuyang sitwasyon, ang ating ekonomiya ang ganap na tinamaan. Naging negatibo ang tinatawag na growth rate natin sa loob ng dalawang magkasunod na quarters ng taon kaya tayo ngayon ay nasa isang resesyon.Sa ganyang sitwasyon, ano ang dapat pangunahan ng iyong negosyo  upang mas mapaganda ang ekonomiya? Kung ano man iyon, ang mahalaga ay pangunahan mo ito. Magingisang lider sa pagkakataong ganito. Mahalagang maipalaganap ang mga ideyangtutulong sa sektor  na iyong kinabibilangan lalo  na sa iyong komunidad. Isang istratehiya rin  ito upang magkaroon ng boses ang iyong negosyo at umangat ang reputasyon nito. Magsulat o maglabas ng mga video ukol sa mga bagay na magpapaangat sa negosyo ng mga kasama sa industriya at komunidad. Siguraduhing maayos ang nilalaman ng mga ideya  at solusyon na ipinapanukala mo dahil ito ang magdadala sa iyo sa mas mataas na antas sa iyong merkado, gayundin sa mga kostumer mo. Sa dulo, kredibildad mo at ng iyong negosyo ang bitbit mo.

Konklusiyon

Kakaiba talaga ang sitwasyon ngayon. Ngayon lang talaga ako dumaan sa ganitong pagkakataon at sisiguraduhin kong ‘di ako basta  makikiusyoso lang. Magiging produktibo ako at aktibong tutulong sa kahit na anong maliit man o malaking pamamaraan.Sa pag-angat ng iyong negosyo, isama mo ang mgataong nasa komunidad upang umangat ang ating bansa.Sa lahat ng bagay, patuloy kang magdasal at manalig sa Diyos.

oOo

Si Homer ay isang technopreneur at makokontak sa email niyang [email protected].

Comments are closed.