5 MALLS HANDA SA ‘REGISTER ANYWHERE’ NG COMELEC

TINUKOY na ng Commission on Elections (Comelec) ang limang malls sa National Capital Region kung saan gagawin ang “register anywhere” drive simula Disyembre 17 hanggang Enero 25, 2023.

Sinabi ni Comelec spokesperson Atty. Rex Laudiangco na kabilang rito ang Mall of Asia, SM Fairview, SM South Mall, Robinsons Galleria, at Robinsons Place Manila.

Paliwanag ni Laudiangco, kahit hindi nakatira sa Metro Manila ang botante ay maari namang pumunta sa mga registration venue o register anywhere booth.

Aniya, ang thumbprints at iba pang biometrics ay gagawin sa booth saka ipapadala ng Comelec sa munipalidad ng botante.

“Napakaganda po kasi nito para sa ating mga mag-aaral, nagta-trabaho sa Metro Manila, na walang pagkakataong umuwi sa kanilang mga probinsya,” ani Laudiangco .

Dagdag pa ni Laudiangco, bukas din ang register anywhere booth sa mga paalis na OFW at mga seaman para sila ay makapagparehistro .

Samantala, sinabi ni Laudiangco na ang mga nais magpa-reactivate ng kanilang voter ID ay hindi na kailangang bumisita sa mga opisina ng Comelec.

Aniya , maaaring i-download ang form sa Comelec website at ipadala sa Comelec election officer.

Ang mga alalahanin tungkol sa talaan ng pagpaparehistro ng botante ay maaaring ipadala sa registrationstatus@comelec.gov.ph. PAUL ROLDAN