(5-Man advisory group nagsimula na) GUIDELINES SA EVALUATION NG COURTESY RESIGNATION TINALAKAY

UMIKOT sa binalangkas na draft para sa guidelines o house rule sa pagbusisi sa halos 950 PNP officer nagsumite ng courtesy resignation ang unang araw ng pulong ng mga miyembro ng 5-man advisory group.

Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. sa regular Monday press conference sa Camp Crame nang ianunsiyong na simulan na nila ang pulong ng 5-man advisory group kasama sina Baguio City Mayor Benjamin Magalong, dating Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., Ret. Maj Gen. Isagani Nerez, at former CA Associate Justice Melchor Q. Sadang.

Kabilang din sa agenda ng pulong ay kung paano tatapusin ang tatlong buwang pagsusuri sa mga courtesy resignation gayundin ang ilalatag na recommendations sa guidelines.

“Actually, after this press conference mag-start na mag-meet ‘yung 5-man advisory group this morning. Before I came here I met with them. So for this week we will already discuss ‘yung mga house rules na gagamitin natin sa pag-evaluate at pag-assess ng mga third level officers natin. In the same manner, part of the discussion will also be how do we intend to finish the job in less than 3 months,” ani Azurin.

Kinumpirma rin ni Azurin na mayroon ang paunang draft para sa kanilang mga hakbang at pagbusisi at kapag nagkasundo ito ang magiging guidelines.

“Partly we made an initial draft for the members to comment and make the final recommendation or rectification. At least meron na working draft na pag-uumpisahan para mabilis yung paggawa ng mga policies, rules para nang sa ganun maumpisahan kaagad ‘yung trabaho,” dagdag pa ni Azurin.

Samantala, inamin ni Azurin na kanila pang pag-aaralan kung kasama sa kanilang bubusisiin ang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ng mga nagpasa ng courtesy resignation. EUNICE CELARIO