5-MAN BOARD OF INQUIRY BINUO

NAGTUNGO kahapon sa Sta. Rita, Samar si Philippine National Police (PNP) Chief, Dir. Gen. Oscar Albayalde kasama ang binuong 5-man board of inquiry para sa mabilis na resulta ng imbestigasyon sa pagkamatay ng anim na pulis at pagkasugat ng 9 na iba pa nang mapalaban sa mga sundalo.

Noong Lunes ay binuo na ang 5-man board of inquiry upang linawin ang pagkamatay ng mga bagitong pulis dahil sa umano’y “friendly fire”.

“I extend the deepest sympathy of the PNP to the families of the six young men who died in that unfortunate incident in Sta. Rita, Samar, even as I assure the surviving kin of all possible assistance of the PNP to ease their grief, including a full dress investigation into the circumstances surrounding the incident,” ayon kay Albayalde.

Inatasan na rin ni Albayalde si Eastern Visayas PNP Director,  Chief Supt. Mariel Magaway na iproseso na nang mabilis ang release ng lahat ng benepisyo ng mga naulilang pamilya ng anim na napaslang na pulis na pawang mi­yembro ng 805th Mobile Company  ng  Regional Mobile Force Battalion 8.

Inatasan din ni Albayalde si Magaway na  asikasuhin ang medical needs ng 9 pang sugatang  PNP personnel.

Habang binigyan na rin ng direktiba ng PNP chief ang lahat ng yunit ng PNP na makipagtulu­ngan sa Special Investigation Task Group para sa mabilis na pagresolba sa kaso.

Samantala,  pangu­ngu­nahan ng Director ng Directorate for Integrated Police Operations o DIPO Visayas ang board of inquiry.

Kasama sa board ang mga opisyal ng Directorate for Operations, CIDG, Directorate for Logistics at Secretary.

Nais naman nina Maj. Gen. Raul Farnacio, komander ng 8th Infantry Division ng Philippine Army at Chief Supt. Mariel Magaway, regional director ng Police Region 8, na tapusin muna ang imbestigasyon bago magsalita.

Batay sa imbestigas­yon, nasa advance position ang mga sundalo kaya nakikita nito ang galaw ng mga pulis.

Nasa mataas na bahagi ng Sitio Lunoy, Barangay San Roque, Sta. Rita, Samar ang tropa ng Charlie Company, 87th IB, ng Phil-ippine Army nang pagbabarilin nila ang mga pulis na kabilang sa 1st Platoon, 805th Company.

Tinawag naman ni Albayalde na miscommunication o no communication ang naganap kaya nagpang-abot ang dalawang grupo.

Hindi agad na-identify ng mga sundalo na mga pulis ang kanilang pinapuputukan  kahit pa nakasuot ang mga ito ng camouflage dahil nagsusuot din ng ganoong uniporme ang mga rebelde.

Naniniwala naman ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi magkakaroon ng lamat ang kanilang relasyon sa pulisya makaraang maganap ang misencounter.

“Rest assured that this unfortunate incident will not hamper the working relation of your Army and PNP in the region,” ayon kay  Farnacio. EUNICE C.

Comments are closed.