5 MANANABAS MINASAKER

BULACAN- NILALANGGAM na ang mga mukha at ulo ng limang lalaki na pawang may mga tama ng bala ng baril sa katawan nang matagpuan ng caretaker kahapon ng umaga sa bulubunduking bahagi ng Resigurado St. Brgy. Camachile sa bayan ng Doña Remedios Trinidad sa lalawigang ito.

Sa inisyal na report ni CMO chief Capt.Romel Jordan ng 70 IB ng Philippine Army, kinilala ang mga biktima na sina Pampilo Boñaga, Angelo del Castillo, Antonio Serbano;magkakapatid na Rogelio at Carlito na kapwa nasa hustong gulang, residente sa nabanggit na lugar.

Ayon sa katiwala na si Halbert Prencillo, mag­hahatid sana siya ng mirienda sa mga mananabas sa mataas na bahagi ng kabudukan.

Aniya, bago siya magdala ng pagkain ay kaila­ngan niyang sumigaw upang malaman kung saan bahagi ng malawak na gubat sila hahatiran ng mi­rienda pero walang tumugon sa kanyang tawag.

Dahilan para sadyain niya ang itaas na bahagi ng gubat, ganap na alas-7:15 ng umaga, dito na tumambad sa kanya ang magkakatabing nakadapa na mananabas na kapwa wala ng buhay at nilalanggam na ang mga ulo na may mga tama ng bala ng baril.

Aniya, wala siyang alam na kaaway ang mga biktima kaya nagtataka ito kung bakit sila pinagbabaril nang walang kalaban-laban.

Samantala patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga pulis kung sino at ano ang motibo ng pamamaslang sa mga biktima. THONY ARCENAL