5 MENOR TIMBOG SA PAGNANAKAW NG KOTSE

LAGUNA- NALAMBAT ng pinagsanib puwersa ng Laguna PNP Intelligence Unit, Binan city police at Highway Patrol Group- Calabarzon ang limang menor de edad sa isang hot pursuit operation matapos na karnapin ng mga ito ang isang puting Toyota Altis sa isang private resort sa Binan City sa lalawigang ito.

Ayon kay Col. Virgilio Jopia, hepe ng Binan police station, isang 19 anyos na binata ang humingi ng tulong sa kanilang himpilan tungkol sa pagkawala ng kanyang kotse na iniwan nitong nakapark sa loob ng isang resort.

Sa salaysay ng biktima, nagulat itong nawala sa nasabing parking area ang kanyang kotse kung saan nandoon din sa loob ang isang back pack na may laman 1 iphone 12 Promax, pera, mahahalagang dokumento at gamit.

Agad na nagsagawa ng isang hot pursuit operation ang mga pulis sa kahabaan ng Laguna provincial highway hanggang makatanggap ang mga ito ng isang tawag mula sa isang concerned citizen tungkol sa hinahanap na kotse.

Mabilis na tinungo ng mga operatiba ang Phoenix Fuel Station sa Barangay Canlalay kung saan nagpapakarga ng gasolina ang mga suspek na pawang mga menor de edad.

Nasa edad 15,16 at 17 ang mga nahuling suspek na agad tinurn- over ng mga awtoridad sa Department of Social Welfare and Development- Bahay Pag-asa habang hinihintay ang pormal na reklamong carnapping mula sa piskalya.

Narekober mula sa limang kabataan ang kotse,cellphone, pera at iba pang kagamitan na pag-aari ng biktima. ARMAN CAMBE