NANGAKO ang Employers’ Confederation of the Philippines (ECOP) na ire-regular ang mga manggagawa ng member-companies nito, ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III.
Sinabi ni Bello na ipinabatid sa DOLE ng umbrella organization ng private sector employers sa bansa ang planong gawing regular ang lahat ng empleyado nito, simula sa 40 percent.
Gayunman ay hindi binanggit ng kalihim kung kailan ipatutupad ang plano.
Napag-alaman na aabot sa 500,000 manggagawa ang mare-regular na sa trabaho.
Ayon kay Bello, bibigyan nila ng time frame ang ECOP para gawing 100 porsiyento ang regularisasyon sa mga manggagawa.
Kumpiyansa siya na makasusunod ang ECOP sa itatakdang time frame.
Sakaling maisakatuparan ng ECOP ang kanilang pangako ay nakahanda naman ang DOLE na magpatupad ng moratorium sa pagsasagawa ng labor inspections sa mga kompanyang miyembro ng grupo.
Magsasagawa lang, aniya, ng inspeksiyon ang DOLE kung may empleyadong magrereklamo laban sa isang kompanya.
Nabatid na umaabot na sa 411,449 workers ang na-regular hanggang noong October 2018.
Ang nasabing bilang ay pawang mga dating contractual employee.
Ayon kay Bello, kabilang sa mga nag-regular ng kanilang mga empleyado ay ang SM, Jollibee, DOLE Philippines at iba pa. VERLIN RUIZ
Comments are closed.