(5 minuto lang ang biyahe) CALOOCAN-MANILA TRIP BUKAS NA, LIBRE PA

BUKAS na at libre pa ang toll fee para maranasan ang limang minutong biyahe mula North Luzon Expressway (NLEX) Caloocan hanggang España, Manila.

Sa inihayag ng NLEX Corporation, bubuksan na sa mga motorista ang daan para sa biyaheng Caloocan at Manila sa pamamagitan ng five-kilometer Caloocan-España Section sa loob lamang ng limang minutong biyahe na kadalasang nasa mahigit isang oras na biyahe.

Ayon kay NLEX Corp. President Luigi L. Bautista, simula kahapon ay libre pansamantala ang pagbiyahe at iaanunsyo na lang kung hanggang kailangan ito libre.

“We are offering free access for a limited period, so motorists can experience for themselves the convenience of using the NLEX Connector,” ayon kay Bautista.

Sa pahayag ng pamunuan ng NLEX, magpapalabas ito ng panibagong anunsyo para abisuhan ang mga motorista kung kailan ito mangongolekta ng toll para sa bagong expressway segment na itinayo para pagbutihin ang mobility at palakasin ang economic development sa north at south Luzon.

Paalala sa mga motorista na sundin ang speed limits: 60 kph para sa mga truck, 80 kph speed limit para sa mga kotse/SUVs, bus, at motorsiklo na may displacement na 400cc pataas.

Sa bagong connector mararanasan ang pagbiyahe ng mabilis at maluwag sa C3 Road/5th Ave., Blumentritt, at España sa Sampaloc, Manila dahil sa paggamit ng NLEX Connector at malalagpasan ang matinding traffic sa kahabaan ng España Boulevard, Abad Santos Avenue, Rizal Avenue, at Lacson Avenue.

Kasabay nito, ang connector din ang magpapagaan sa biyahe ng mga cargo truck mula North patungong South at vice versa. VICK TANES