LAGUNA-NAGTAPOS na ang matagal na pagtatago sa batas ng limang Most Wanted Persons sa lalawigang ito nang masakote kahapon ng mga awtoridad sa sunod -sunod na police operations sa mga lungsod ng San Pedro, Calamba, Sta, Cruz at sa bayan ng Bay.
Sa report ni Laguna police director Rogarth Campo kay Calabarzon police chief BGen. Antonio Yarra, kinilala ang mga wanted person na sina Modesto Bobias Jr. , 72-anyos; Dave Baldemor, 29-anyos; Mark Aldrin Conception, 21-anyos; Teofilo Alcantara, 42-anyos , kagawad ng Barangay Paliparan, Calauan, Laguna at Jesus Edana, alias ” tisot” , 61-anyos.
Ipinahayag ni Campo na si Bobias ay naaresto sa kanyang bahay sa Barangay San Pedro, San Pablo city sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte sa Laguna sa kasong statutory rape kung saan nakatala bilang Top 1 MWP sa San Pedro city.
Si Baldemor naman ay may nakabinbin warrant of arrest sa kasong rape sa isang menor de edad noong Marso 2022 sa Regional Trial Court Branch 33 sa Siniloan, Laguna habang ang pag-aresto naman kay Conception sa Baryeta sa Barangay Masaya, Bay Laguna ay base naman sa bisa ng Warrant of arrest sa kanyang paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2022 ng RTC branch 79 sa Morong Rizal.
Ayon naman kay Lt. Col. Arnel Pagulayan ng Calamba PNP, naaresto nila sa Barangay Real , Calamba city sina Kagawad Alcantara na nasa top 4 most wanted ng lungsod at Edana na nasa top 10 most wanted ng Laguna PNP. ARMAN CAMBE