5 NADAKIP SA KOLORUM NA PAGAWAAN NG PAPUTOK

Paputok

BULACAN – LIMANG firecrackers workers ang nadakip ng Sta. Maria police makaraang mahuli na aktong gumagawa ng paputok at pailaw sa kolorum na pagawaan ng paputok makaraang salakayin ng awtoridad ang pagawaan sa Ba-rangay Pulong Buhangin, Sta. Maria, kamakalawa.

Base sa report na isinumite kay P/Col. Emma M.Libunao, Acting Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office (BPPO), nakilala ang mga naaarestong sina Tommy Martill4, 41; Ramcis Villacista, 26; Rommel Sote, 30; Recto Bernardino, 41; at Christopher Dagasdas, 36, pawang stay-in worker sa nasabing pagawaan ng paputok.

Ang mga suspek ay nakadetine ngayon at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 7183 (illegal Manufacturing of Firecracker) habang kasama sa kinasuhan ang itinuturong may-ari ng pagawaan ng paputok na nakilalang si Ronnie Barioga, residente ng Barangay Partida, Norzagaray na wala sa lugar ng kolorum na pagawaan ng salakayin ng awtoridad.

Nabatid na kamaka­lawa nang makatanggap ng impormasyon mula sa concern citizens ang tanggapan ni P/Lt.Col.Carl Omar Fiel, Chief of Police (COP) ng Sta.Maria police hinggil sa ilegal na pagawaan ng paputok sa Guballa St., Barangay Pulong Buhangin ng na­sabing bayan kaya kaagad itong pinuntahan ng awtoridad upang i-validate ang report.

Dito nahuli sa akto ng pulisya ang limang firecrackers worker na nasa kasagsagan ng paggawa ng kwitis at nang hanapan ng permit ay walang naipakita ang mga suspek kaya inaresto sila at kinumpiska ang limang sako ng boom-boom o ulo ng kwitis, kalahating sako ng kwitis na walang stick, limang kilo ng mitsa, isa at kalahating sako ng 5 star,3 barena na gamit sa pagmanupaktura ng paputok at 5 bundle ng malala­king finished product na kwitis.

Itinuro naman ng mga suspek si Barioga na may-ari ng pagawaan ng paputok at trabahador lamang sila habang inginuso ang nasabing kolorum na pagawaan ng paputok ng mga residente sa lugar dahil sa pinangangambahan nilang aksidente ng pagsabog at hindi maikukubli ang pagmama­nupaktura ng paputok dahil sumasama sa ha­ngin ang amoy ng pulbura at kumpirmadong nasa kasagsagan ngayon ang paggawa ng paputok at pailaw sa Bulacan. MARIVIC RAGUDOS

Comments are closed.