5 NADALE SA NASUNOG NA PENSION HOUSE

Sunog

NEGROS OCCIDENTAL – NASA anim katao ang naitalang nasawi habang may apat na sugatan matapos na ma-trap sa nasusunog na pension house kahapon ng madaling araw sa Bacolod City.

Sa ulat ng Bacolod City Bureau of Fire Protection, kabilang sa mga nasawi ang 12-anyos na si Migue Java at ang ama nitong si Christopher Java, ang may-ari ng Java Pension House na nasa kanto ng Gonzaga at Locsin Streets, ng nasabing siyudad.

Kasama sa mga nasawi  ang ina ni Christopher na si Magdalena Java at ang yaya na si Ronalyn Dacallo ng Brgy. Abuanan, Bago City.

Magkakasama sa isang kuwarto nang makitang magkakayakap sina Dacallo, Magdalena at Miguel  habang nasa ibang bahagi ng pension inn  natagpuan ang bangkay ni Christopher.

Samantala, patay rin ang duty sa front desk na kinilala lamang sa pangalang  Arnold.

Hinala ni Fire Chief Inspector Publio Ploteña, fire marshal ng Bacolod, na-trap ang mga biktima at nasawi matapos makalanghap ng makapal na usok dahil lumilitaw sa arson investigation ay hindi naman  nasunog ang katawan ng mga biktima at pinaniniwalaang suffocation ang kanilang ikinasawi.

Samantala, inaalam pa ng arson investigators ang pagkakakilanlan ng isa pang lalaki na kabilang sa mga nasawi sa sunog bagama’t pinaniniwalaang customer ito ng hotel.

Hindi naman bababa sa apat ang mga sugatan kasabay ng sunog ngunit masu­werteng minor injuries lamang ang natamo ng tatlong pasyente na dinala sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital.

Kabilang din sa mga sugatan ay ang Australian national na dinala sa Riverside Medical Center.

Sa pagsisiyasat nagsimula ang sunog bandang alas-4:00 ng madaling araw ng sumiklab ang isang motorsiklong nakaparada na nasa hallway ng ground floor.

Naapula na ang sunog dakong alas-9 ng umaga, pero hinihintay pa ng mga bom­bero na masilip ng pulisya ang 4-palapag na gusali bago mailabas ang mga bangkay.

Hanggang kahapon ay nagpapatuloy ang clearing operation sa fire site upang matiyak na wala ng na-trap sa loob habang inaalam ang tunay na bilang mga guest na naka-check-in sa pension house nang mangyari ang sunog.

Labinglimang katao ang unang naiulat na nailigtas ng mga bombero sa kasagsagan ng sunog. VERLIN RUIZ

Comments are closed.