5 NPA NA SUMUKO INIHARAP KAY GEN. ALBAYALDE

PNP-Chief-Dir-Gen-Oscar-Albayalde

LAGUNA – SA harap ni PNP Chief, Dir. Gen. Oscar David Albayalde at iba pang opisyal ay  iprinisinta ang anim na kalalakihan na pawang dating miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Camp Vicente Lim lungsod ng Calamba kamakalawa ng hapon.

Batay sa ulat ni PRO4A Calabarzon Director, Chief Supt. Edward Carranza, nakilala ang lima na sumukong miyembro ng NPA na sina alyas Ka Ruben, 47-anyos, Ka Jonard, 53, Ka Chino, 21, Ka Simon, 56, at isang Ka Oyo, 28, pawang mga miyembro ng Platoon Guerilla sa Calabarzon at naninirahan sa bahagi ng lalawigan ng Laguna at Quezon. Samantala isa pa sa mga ito ang dinakip ng pulisya kaugnay ng kinasasangkutang kaso na murder na si Efren Solares, alyas Ka Arkie/Jamley, tubong Brgy. Burgos, Mulanay, Quezon, at pansamantalang naninirahan sa Brgy. Mulay, Calauag, Quezon.

Sinasabing isinagawa ng mga miyembro ng Regional Intelligence Division 4A at militar ang mahabang negosas­yon sa pagitan ng limang miyembro ng NPA para sa kanilang boluntaryong pagsuko sa mga awtoridad noong nakaraang ika-20 ng buwang kasalukuyan sa Sitio Tamala, Brgy. San Mar-celino, General Nakar, Quezon kabilang ang agarang pag-aresto kay Solares sa Brgy. Mulay, Calauag, Quezon.

Ayon sa report, napapabilang si Solares sa grupo ng Komiteng Pamprobinsiya (KOMPROB) sa bahagi ng ikatlo at ika-apat na distrito ng lalawigan ng Quezon.

Nakumpiska sa mga ito ang matataas na kalibre ng baril na isang US Carbine cal. 30, Winchester Shotgun, dalawang unit ng 12 Gauge Shotgun Armscor at mga bala.

Naglaan naman ng tulong pinansiyal at Livelihood Program sa anim na rebelde si Alba­yalde kasunod ang seguridad ng mga ito kung saan patuloy na paiigtingin ang malawakang operasyon kaugnay ng umano’y mga ilegal na gawain ng mga suspek sa nalalapit na halalan partikular ang kabi-kabilang ginagawang pagsunog ng mga construction equipment sa iba’t ibang panig ng bansa.

DICK GARAY

Comments are closed.