HINDI pinalad na makaalis ng bansa ang limang Overseas Filipino Workers (OFWs) makaraang harangin ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa kakulangan ng dokumento o employment visas.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, dapat na siguruhin ng mga papaalis na OFW na maiprisinta ang kanilang kumpletong travel at work documents upang hindi sila magkaroon ng anumang aberya o problema bago nila lisanin ang bansa.
Dagdag pa ni Morente, sa kasalukuyang panuntunan na ang isang papaalis na OFW ay kinakailangang kumuha ng employment visa sa bansang pupuntahan nito.
Aniya, ang pagkakaroon ng valid overseas employment certificate (OEC) mula sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ay hindi sapat para payagan ang isang OFW na makalabas ng bansa kung wala itong working visa.
Paliwanag pa ni Morente, ang isang OFW na bibiyahe sa pamagitan ng tourist visa ay hindi pinapayagang lumabas sa ilalim ng binagong guidelines ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).
Ayon sa BI’s travel control and enforcement unit (TCEU) na limang lalaking pasahero ay pinigil sa NAIA 3 terminal nitong Nob. 21 bago pa man sila sumakay ng Emirates patungong Dubai, United Arab Emirates.
Ang paalis na mga OFW ay isinailalim sa secondary inspection nang napuna ng mga BI officer ang kanilang UAE tourist visa subalit mayroon ding OECs kung saan magtratrabaho sila bilang painters at pipe installers sa nasabing bansa.
Inamin ng mga OFW na sinabihan sila ng kanilang recruiters na ang kanilang working visas ay papalitan pagdating nila sa UAE at sasailalim pa sa COVID-19 test sa Dubai airport. PAUL ROLDAN/ FROILAN MORALLOS
Comments are closed.