CALABARZON – BUMAGSAK sa kamay ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation-Lucena District Office (NBI-LUCDO) ang limang operators ng sex den sa isinagawang entrapment operation sa bayan ng Atimonan, Quezon nitong nakalipas na Linggo.
Kinilala ni NBI Officer-in-Charge (OIC) Eric B. Distor ang mga suspek na sina Renita Agoho Francia (alyas Madam Aleth), manager/operator ng sex den; Rowena Tocayon Abo, kahera ng bar; Lyra Amado Riego, all around worker; Josefina D. Devilles, in-charge sa counter section; at Mary Anne Parco Alvarez, all around service crew.
Nasakote ang mga suspek sa loob ng Kingfisher Lodge Hotel and Videoke Bar sa nasabing lugar kung saan sila ang tumatayong operator at maintainer sa illegal operation ng sex den at nasagip naman ang 7 GROs na isinailalim sa pangangasiwa ng Atimonan, Quezon Municipal Social Welfare Office nitong Pebrero 10.
Ang mga suspek ay isinailalim sa inquest proceedings sa Provincial Prosecutor’s Office sa kasong Qualified Trafficking in Person under RA 9208 ( Anti-Trafficking in Persons Act of 2003) na kasalukuyang nasa NBI-LUCDO detention facility habang hinihintay ang disposition ng Provincial Prosecutor’s Office. MARIO BASCO