KUNG babalik-tanawin natin ang mga kompanya na nasa teknolohiya gaya ng Google, Facebook, Snapchat, Instagram at marami pang iba, lahat sila’y nagsimula bilang tinaguriang startup na negosyo. Ang ibig sabihin, nagsimula sila sa wala. Ang Facebook ay sinimulan sa ku-warto ng dormitoryo ni Mark Zuckerberg.
Sa isang pitak ko, nasabi kong ako’y nagsimula sa pagnenegosyo sa pagbebenta ng Chocnut sa mga kaklase. Maraming mga negosyante na may matatagumpay na negosyo na nagsimula sa wala o sa maliit lamang. Ganito ang mayroon sila:
#1 Seryoso at Marubdob ang mga Founder
Ang pagiging marubdob (o passionate) sa iyong negosyo ang isa sa pinakamahalagang bagay na magdudulot ng magandang resulta sa iyong startup. Ang pagsisimula sa wala ay isang magandang rason kung bakit importante ang marubdob na founder. Lahat ay gagawin dahil ilang buwan — o minsan pa’y taon – bago ka kumita. ‘Yung ‘di ka titigil hanggang ‘di mo nakakamit ang tamang pormula ng tagumpay.
Ang mga founder na sina Elon Musk ng Tesla at Jack Dorsey ng Twitter ay nakailang ulit sa pagtatayo ng negosyo bago sila nagtagumpay.
#2 Tamang Timpla sa Lahat ng Gawain
Ang mga matagumpay na startup ay nakahahanap ng maliliit na butas sa merkado at ginagawan ito ng solusyon. Dito sila lumalaki. Isang halimbawa ay ang Instagram kung saan nakita nila ang paglago ng paggamit ng mobile phone. Dahil nakita nila na ang Facebook noon ay nakatuon sa mga gumagamit ng PC at maraming functionalities na ito, nagpokus ang Instagram sa photos lamang gamit ang mobile. Ayun, boom!
Kaya ‘wag masyadong gumawa ng maraming bagay na ‘di mo naman talaga mapagtutuunan ng pansin. Pokus lang at tamang timpla sa bawat galaw.
#3 Pokus sa pagtatapos kaysa sa pagiging perpekto
Sa dami ng aking mga natulungang startup, ang payong “done is better than perfect” ang isa sa aking paborito. Marami kasing mga startup lalo na sa larangan ng teknolohiya ang naakit ng perpektong gawain habang ang kumpetisyon ay nasa merkado na.
Tandaan na ang teknolohiya ay mabilis magbago, kaya pokus ka sa pagsasaayos ng timelines mo. Lagyan ng phases ang bawat proyekto at tingnan kung saan ang mas mabilis na paglabas sa merkado. Ang mahalaga ay nakikita mo ang mga nagugustuhan ng mga kostumer at nalalaman kung ano ang dapat baguhin o ayusin pa kaysa nabuo mo na ang “perpektong produkto” ngunit wala namang nais bumili nito.
#4 Mauna sa merkado
Kadikit nito ang “done is better than perfect” sa pamamagitan ng kasabihang “first to market beats first to patent.” Marami na kasi akong nakilalang mga magagaling na imbentor na ang tanging hangarin ay mai-patent ang kanilang produkto at isusunod ang pagbebenta nito. Hindi naman masama ito kung imbentor ka. Pero kung negosyante ka, unahin mo muna ang paglabas sa merkado at saka mo na isunod ang pag-patent nito. Dahil ‘pag nasa merkado na, mas mapagaganda mo pa ang produkto mo at ‘yun ang ipa-patent mo.
Isang halimbawa ay ang isang teknolohiya namin na isang“transponder” o “black box in the cloud” kung saan inimbento ito upang mabigyan ng pagkakataon ang mga maliliit na eroplano na ma-trace nang ‘di kailangan ng mga mamahaling satellite equipment. Sa dulo, mas ginagamit na siya sa mga sasakyang pandagat pati ang pag-trace sa mga nahuhuling isda gaya ng tuna. ‘Yan na ngayon ang merkado na ginagalawan ng produkto na gawa ng FAME (Futuristic Aviation and Maritime Enterprises). Nakilala na ito sa buong mundo dahil sa kakaibang teknolohiya na ‘di dumadaan sa telcos. Nag-iba man ang paggamit nito ngayon, mas matibay na ang hinaharap nito lalo na sa pag-patent.
#5 Halaga ng Kultura
Ang kultura ng isang organisasyon ay siyang maglalapat ng kinabukasan nito. Kung may passion ang founder, gayundin dapat ang mga tao sa or-ganisasyon nito. Tingnan mo ang nga kulturang kagaya ng Google, Facebook at Tesla kung saan ang inobasyon ay itinutulak. Kaya naman ang organ-isasyon nila ay maunlad at patuloy na umuunlad. Saliksikin ang mga tipo ng kultura na nais mo sa sariling startup.
Bilang isang entrepreneur, ang aking personal na payo ay ang pagbangon mula sa mga pagbagsak. Isipin na ang pagkabigo ay ‘di katuwiran para tumigil sa iyong mga pangarap. Tuloy ka lang. Sa pagkabigo ay may aral na matututunan. Higit sa lahat, dasal at pananampalataya ang kailangan. ‘Yan ang ‘wag kalilimutan.
o0o
Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Maaari siyang makontak sa email niya na [email protected].
Comments are closed.