5 PARAAN PARA BUMILI NG FRANCHISE BUSINESS

homer nievera

HAPPY New Year, ka-negosyo! Kumusta ang pagpasok ng bagong taon sa iyo? Maaaring challenging ang 2020 pero sana, ang 2021, ay maging mas matagumpay para sa iyo. Sa unang salya ng ating pitak ngayong taon, naisip ko na lagyan ng bagong topic na pag-uusapan. Ito ang pagbili ng isang franchise o prangkisa ng isang negosyo. Malamang kasi, pinag-iisipan mo rin ito sa panahong ito.Ang prangkisa ng isang negosyo ay maaari mong mabili kung nakikita mong maayos ang operasyon at mga sistema nito. Kung matagumpay na silang nakakapag-operasyon ng negosyo – mga tatlong taon pataas – mas may kumpiyansa ka rito. Kung bibili ka ng prangkisa, narito ang limang paraan bago mo ito desisyunan. Tara na at matuto!

#1 Kilalanin mo muna ang sarili mo

Ang isang prangkisa ay isang tunay na negosyo na ikaw rin mismo ang dapat matutong mag-operate. ‘Di mo basta-basta ito ipauubaya sa iba. Kaya nga kailangan mong kilalanin ang iyong pagkatao bilang isang negosyante bago ka sumabak dito. Lalo na kung matagal kang naging empleyado sa isang kompanyang malayo sa gagalawan mo bilang isang franchise owner. Halimbawa, kumuha ka ng isang franchise ng isang kilalang hamburger stand. Kung 24/7 ang operasyon nito sa isang mataong lugar, kaya mo bang hawakan ang kabuuan nito? Kumusta ang pagkilatis mo sa mga taong magbabantay? Kumusta ang kaalaman mo sa account-ing? Ang ilang bagay na ito ay malaki ang impact sa iyong hahawakang prangkisa. Pag-isipan mo muna ang bagay na ito upang mapunan ng ibang tao ang mga kakulangan mo.

#2 Gumawa ng buong pag-aaral at pagsusuri sa papasukang prangkisa

Matapos mong kilalanin ang sariling kakayahan sa pagnenegosyo, kilalanin mo naman ang negosyong nais mong bilhin. Ang kabuuan ng isang prangkisa ay ‘di lang basta nasusukat sa dami ng mga taong bumibili dito. Ang kalidad ng kanilang produkto (o serbisyo) at sistema ang magsasabi kung magtatagal ba ito. Sa totoo lang, may ilang nagbebenta ng franchise diyan na hinahayaan ang mga bumili ng prangkisa nila sa kani-knilang diskarte. ‘Di dapat ganoon. Kung tunay na tagumpay ang sistema nila, dapat ‘yun mismo ang susundan. Sa larangan naman ng kanilang operasyon, dapat may systems manual na silang ginagamit. Ito kasi ang basehan ng kanilang maayos na operasyon na dapat mo lang sundin. May mga kasamang alituntunin na rin ito na susndan ng mga nasa frontlines at management. Hanapin mo ito.

#3 Alamin ang lahat ng numero

Bago magdesisyon, alamin mo ang lahat ng mahahalagang numero mula sa halaga ng mismong franchise fee, ang kapital na ka-kailanganin at ang anumang natatagong halaga (hidden costs) na maaaring ipapataw. Kasama na rito ‘yung royalties at iba na makaaapekto sa kikitain mo. Tingnan mo rin ang numerong may kinalaman sa kostumer at tinatawag na traffic count. Kailangan mong alamin ang dami ng kostumer at dami ng kita sa bawat benta upang makalkula mo ang kikitain. Ang profit-and-loss na nu-mero ay mahalaga. Tandaan mo na ang pagiging masinop sa gastusin at kikitain ang magsasabi kung magtatagumpay ka o hindi.

#4 Gamitin ang utak sa lahat ng bagay

Tandaan mo na ‘di dahil isang prangkisa ang binibili mo ay tiwala ka na sa lahat ng bagay. Lalo na sa usaping legal, kailangan ay aalamin mo ang lahat-lahat. Sa panahon ng operasyon ng prangkisa, kailangan mong alamin ang mga kasamang bagay tulad ng coaching o mentoring na kadalasan ay kasama sa usapan. Sa pagsilip sa lahat sa kabuuan ng kontrata, mas mainam na may titingin na abogado na may alam sa mga kontrata. Maraming mga salitang legal ang ‘di agad naiintindihan ng ordinaryong tao. Kahit matagal ka na sa larangan ng pagnenegosyo, marami pa ring usapain ang ‘di mo basta alam. Sa pagnegosasyon ng isang prangkisa, maraming bagay ka ring makukuha na ‘di ibinibigay sa iba kung ‘di mo hihingin.  Halimbawa, ang terms ng pagbabayad o kung may diskuwento kang makukuha. Malaking bahagi ng pagnenegosyo kasi ang negosasyon.

#5 Humingi ng payo sa mga eksperto

Sa anumang negosyo, ang payo ng mga eksperto ay mahalaga lalo na kung ito ay may kinalaman din sa mga prangkisa ng nego-syo. ‘Di man pare-pareho ang uri ng mga negosyong nag-franchise, ang prinsipyo sa likod nito ay iisa lang naman. Sa dulo kasi, ang naibibigay na payo ng mga eksperto ay nagpapaiksi ng panahon upang matuto at makapagdesisyon nang maayos. Bukod sa mga eksperto sa pagprangkisa, ang mga eksperto sa laranagn ng accounting, marketing at operations ay mahalaga. Gayundin ang mga taong may kinalaman sa pagsasaayos ng kapital na kailangan mo at pati na rin ang pangungutang sa bangko kung kina-kailangan.

Konklusyon

Sa panahon ng pandemya o anumang krisis, ang pagkuha ng mga prangkisa ng negosyo ay mas ligtas kaysa ikaw na mismo ay mag-uumpisa ng sarili mo. Dahil nga subok na ang sistema ng pagnenegosyo.  Mas matagal na ang negosyong nais mong i-prangkisa, mas ok. Basta, ‘wag agad magdesisyon hanggang mapag-aralan mo na ang maraming aspeto ng negosyong papasukan. Siguraduhin din ang personal na kahandaan sa larangang papasukan. Sa lahat ng bagay, ‘wag mong kalilimutang magdasal, mag-tiyaga at maging masinop.



Si Homer Nievera ay isang technopreneur at nasa board of directors ng iba’t ibang kompanya. Kung nais makipag-ugnayan, magmensahe lang sa email niyang [email protected].

Comments are closed.