KUNG nagsisimula ka pa lang sa pagnenegosyo o nag-iisip pa lang magkanegosyo, naisip mo na bang puwede kang malugi sa pamamagitan ng pagwaglit lamang sa maliliit na bagay? Para ‘di masayang ang pinaghirapang puhunan – na madalas ay hiram lamang – narito ang limang paraan para gabayan kang makaiwas sa pagkalugi.
#1 Magkaroon ka ng masinsin na Business Plan o Plano sa iyong Negosyo
Kahit naman kung manghihiram ka ng puhunan sa bangko man o sa isang kaibigan, ang unang tanong sa iyo ay kung ano ang iyong plano, tama? Kaya naman dapat may nakahanda kang plano. At ‘di ito basta plano na ginaya lang sa internet, kundi isang pinag-isipang plano na ikinonsulta pa sa ibang tao o grupo na mas may alam sa iba’t ibang aspeto ng negosyo. Ang isang masinsing business plan ay maraming numero – budget, cost, sales, dami ng tao, dami ng kostumer na kailangan, at marami pang iba. Sa dulo, dapat alam mo kung kailan ka kikita at hanggang saan ka lang bago ka malugi.
#2 Pag-setup ng Multiple Streams of Income
Sa dami ng puwede mong dahilan para malugi, marami ring paraan para kumita sa iisang negosyo. Noong nag-uumpisa pa lang ako sa larangan ng pagnenegosyo, tinatawag na “multiple streams of income or revenue” ang akin laging pinag-iisipan. Dahil dito, wala akong dapat na pagsisihan kung ‘di kumita ang isang negosyo ko. Kaya naman isinasama ko ito sa aking business plan. Hanapin mo ang lahat ng puwedeng idikit sa iyong negosyo na pagkakakitaan. Para kung marami kang gripong nakabukas, mas marami kang isasalok na tubig, tama?
#3 Maging Masinop
Nais ko mang sabihing magtipid, pero mas mainam ang salitang masinop. Kasi sa negosyo, kung masyado ka namang matipid, may mga oportunidad na nakukuha sa mga pag-invest sa marketing. Basta pag-aralan muna ang mga bagay bago gastusan. Laging isipin kung ano ang balik nito sa iyong negosyo. Kung talagang kailangan mong magbawas ng gastos, gawin mo. Huwag patagalin ang pagdurugo ng negosyo. Putulin agad ang ‘di kailangang gastusin.
#4 Gumamit ng Makabagong Teknolohiya
Paulit-ulit ko mang sasabihin ito – ito talaga ay malaking bahagi ng negosyo ngayon. Kung ‘di ka maabilidad, talo ka. Nariyan ang maraming teknolohiya na siyang tutulong at gagabay sa bawat galaw mo sa pagnenegosyo. Mula sa mga tulong sa accounting, budgeting, marketing at iba pa. Saliksikin ang mga ito at gamitin. Dahil malaki ang matitipid mo sa tao at oras.
#5 Gumawa ng Exit Strategy
Aminin natin na ‘di lahat ng negosyo ay nagtatagumpay. Ang importante, alam mo kung kailan ka susuko para lumaban sa susunod na pagkakataon. Ano ba ang exit strategy? Una, ito’y kasama sa business plan mo na siyang gagabay sa iyo kung kailan ka dapat mag-exit sa negosyo gaya ng: pagbebenta nito, pagpasok sa joint venture, pagbenta ng shares o stocks at ang pagpasok sa stock exchange o IPO (initial public offering). Mahaba ang ganitong diskusyon. Pero kung naiplano mo na ang gagawin mo bago ka pa malugi, mas mainam.
Masaya na mahirap ang pagnenegosyo. Pero kung napaghandaan mo na ang lahat (o halos lahat) ng posibilidad para umunlad ito, nasa panig ka ng tagumpay. Ipagdasal mo ang bawat plano na gagawin mo. ‘Di lahat ng bagay sa mundo, ay kaya mo.
oOo
Si Homer Nievera ay isang digital transformator at founder ng Negosentro.com na tumutulong palawigin ang kaalaman sa internet at teknolohiya para maiangat ang kabuhayan ng mga Filipino. Kung may katanungan, magpadala ng mensahe sa email.negosentro.com o hanapin siya sa Facebook.com/thepositivevibes.com
Comments are closed.