5 PARAAN PARA MAS MAKAKUHA NG MGA KLIYENTE AT LUMAKI ANG BENTA

homer nievera

SA DAMI ng puwede mong gawin para makakuha ng mga kliyente para sa iyong negosyo, sumasakit na siguro ang ulo mo.

Malamang din, nagawa mo na ang lahat ng alam mong gawin.

Sa totoo lang, ma­rami pang puwedeng gawin na may kinalaman sa marketing ngunit mahirap ding mamili at linangin ang mga nakaumang na dag-dag kaalaman na ma­rami naman sa internet. Kaya naman nag­lista ako ng ilang magagamit mo na ngayon para sa startup o negosyo mo.

Tara na!

#1 Ayusin ang SEO ng website mo

Kung may website ka, ang tanong, eh, kung mayroon bang nakaka­kita sa iyo kapag nag-search sa Google? ‘Yan ang madalas na tanong na mahirap tanungin at ang tingin ng marami ay kailangan ng mga eks­perto sa SEO (search engine optimization).

O, sige, totoo namang kailangan itong gawin ng isang eksperto. Ngunit sa simpleng paraan, makatutulong ang pagsusulat mo ng mga artikulo sa ilalagak mo sa website mo patungkol sa iyong negosyo. Puwede naman kasing eksperto ka talaga sa la­rangan na may kinalaman sa produkto o serbisyo mo. Sa pamamagitan kasi nito, ang algorithm ng Google na mismo ang mag-aayos para makita ang isinulat mo. Mas ma­raming artikulo, mas ok.

Ang mahalaga rito ay ang paggamit mo ng mga tinatawag na ‘keyword’ na may kinalaman sa produkto o serbisyo mo. Huwag ka lang sosobra sa limang beses sa pagbanggit kasi ‘di na rin ito gusto ng Google.

Sa loob ng ilang linggo o buwan, makikita mo na ang resulta.

#2 Gumamit ng testimonials

Naalala mo ba ang site na Friendster? Kung kasama ka pa sa henerasyon na ito, malamang naalala mo ang paghingi ng ‘testi’ o testimonial.

Sa panahon ngayon, dahil marami na ang gumagamit ng teknolohiya gaya ng internet, ang pagkuha ng mga testimonial sa mga kliyente o kostumer ay mahalaga. Kung may online business ka gaya ng sa Lazada o Shoppee, mapapansin ang halaga ng positive reviews, ‘di ba?

Tandaan na kung nakikita ng mga tao ang mga testimonyal, naeengganyo silang bumili sa iyo. Siyempre, dapat tunay ang mga sinasabi nila at bawal mag-imbento. Gamitin ang TrustPilot.com para makakuha ng tunay na ratings anuman ang negosyo mo. Puwede mong hingin ang review nila at papuntahin sa site na ito. Kasunod noon, puwede mong kunin ang link ng reviews sa Trust pilot at ilagay sa mga email mo, website at kung saan makikita ng iba.

#3 Balikan ang mga regular at dating kostu­mer o kliyente

Ang karamihan sa mga nagnenegosyo ay nakalilimot na makipag-ugnayan sa mga regular at dating kliyente o kostu­mer. Ang pakikipag-ugnayan sa kanila ay malaki ang magagawa sa sales mo.

Alam mo bang ang probabilidad na makakabenta ka ulit sa dati mong kostumer ay mula 60% hanggang 70% kaysa bagong kostumer? ‘Di lang ‘yun. Ang mga da­ting kliyente ay gumagastos ng mahigit 33% sa bagong kostumer.

Kaya kung mag-focus ka muna sa dati at regular mong kostumer, mas makakabenta ka. Simple lang kasi ‘yan. Ang mga kostumer mong natuwa sa produkto o serbisyo mo ay sila na ring magdadala ng ibang kostumer. Kasama na rin ‘yan sa mga testimonyal na hinahanap mo.

Tandaan na kung masaya ang mga kostu­mer mo sa ginagawa mo, libreng marketing na ‘yan. Kaya naman responsibilidad mo bilang negosyante ang ayusin ang kalidad sa lahat ng bagay.

#4 Magbigay ng libreng workshop o maging tagapagsalita (speaker)

Kung may mga lokal na organisasyon na puwede kang magbigay ng iyong kaalaman, mainam ito bilang marketing mo. Ang ganitong istratehiya ay nakagagawa ng ingay ukol sa pagiging eksperto mo, gayundin ukol sa mga produkto o serbisyo mo.

Madalas kasi, mga consultant sa iba’t ibang larangan ang gumagawa nito. Pero ikaw bilang negosyante ay maraming kaalaman na maibabahagi sa mga kapwa negosyante at sa mga nais makuhang kostumer.

Sa katunayan, ma­rami akong naging kostumer sa mga negosyo ko dahil sa pagiging resource speaker sa mga larangan na aking naibabahagi.

Ikaw, kaya mo ring gawin ‘yun. Magsimulang mag-network sa mga organisasyon.

#5 Gamitin ang social media

Baka naman nakalimutan na ang halaga ng social media. Pero bago mo isipin na mukhang nagawa mo na ang lahat ukol dito, tingnan muna ang pag-gawa ng iba’t ibang content gaya ng video at podcast at ilarga sa social media.

Kung kaya mong gumawa ng mga video na naglalarawan ng iyong expertise at naibabahagi mo ang mga kaalaman mo na may kinalaman sa negosyo mo, mas ok ‘yun, gayundin sa paggawa ng mga podcast. Ang pinagkaiba lang naman nila ay ‘yung isa ay video at ‘yung isa ay audio. Ang mahalaga ay ang content o ‘yung nilalaman ng nais mong ibahagi.

Pag-aralan muna ang mga istilo na ginagawa ng iba. Saliksikin ito sa Youtube, Facebook at Ins­tagram. Ang iba naman, sa Linkedin gumagalaw.

Pagtatapos

Mahalaga ang sales at marketing sa negosyo. Kailangan mo lang sipagan pa at ang pagiging malikhain upang maiba­hagi ang iyong mensahe sa mga kliyente at kostumer. Tandaan na ‘di mo agad makukuha ang tamang timpla. Basta tuloy-tuloy lang sa pag-experiment at makukuha mo rin ang ang­kop sa negosyo mo.

Lagi kang magkaroon ng kumpiyansa sa sariling kakayahan at mag-aral pa sa mga kakulangan. Magkaroon ka ng sipag at tiyaga at maging masinop sa lahat ng bagay.

Buong tapang mong harapin ang bukas. Ipagpatuloy ang positibong pananaw at kilalanin ang kakayahan mong lumago. Higit sa lahat, mangarap para sa kinabukasan kasama ng pagtiwala sa sarili at pananampalataya sa Diyos.

Go, go, go!

o0o

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Maaari siyang makontak sa email niya na chief@negosentro.com.