HINDI lahat ng malaking negosyo ay nagwawagi. Ang totoo, maraming maliliit na negsoyo ang mas mabilis yumabong dahil kaya nilang gumalaw ng mas mabilis kaysa sa mga malalaking negosyo. Paano mo magagawang mapanatili ang iyong pagyabong kung marami kang kakompetensiyang mas malalaking negosyo?
#1 Panatilihin ang Maayos na Brand Design at Values
Ang unang tinitingnan ng isang kostumer ay ang design ng iyong branding. Makikita ‘yan mula sa kulay at design ng iyong logo. Ito ay dapat may tinatawag na ‘consistency’ o hindi sabog ang konsepto nito. Sa tinatawag na brand identity mo pa lang, malalaman na dapat ng kostumer kung maayos kang mag-isip o maayos na kausap. Tingnan mo rin kung umaayon sa iyong brand values ang design mo. Kung nais mong lumabas ang ‘passion’, halimbawa, siguro, gumamit ng kulay pula na kulay ng puso. Mas mainam na kumonsulta sa isang graphic designer o multimedia artist kung paano aayusin ang iyong brand identity mula sa iyong business card (tarheta).
#2 Unahin ang Website
Sa panahon ngayon, kung wala kang website, ‘di na rin maganda ang dating nito sa kostumer. Madalas kasing napagkakamalan na okay na ang Facebook Page. Marami ka kasing ‘di puwedeng gawin sa social media. Una na rito ay ‘di mo ito pag-aari. Kung maisipan ng Facebook na alisin ang page mo, tapos ka. Kaya panatilihin ang disenyo ng iyong website ng naaayon sa kabuuang disenyo ng iyong brand. Siyempre, pangalagaan mo ang nilalaman nito.
#3 Palakasin ang Customer Service
Karamihan ng malalaking kompanya ay hirap panatilihin ang maayos na customer service. Pagkakataon mo na ito. ‘Di dahil kaunti ang iyong kostumer ay hihinaan mo na ang customer service. Sa halip, mas paigtingin pa ito. Sa dulo, mas pipiliin ang negosyo mo dahil mas ‘at home’ sila sa iyo.
#4 Gumamit ng Makabagong Teknolohiya
Maramig negosyo ang takot sa bagong teknolohiya dahil baka ‘di nila ito magamay at humina ang kanilang sistema. Sa totoo lang, mas mainam para sa maliit na negosyo ang pag-automate ng ilang bagay sa negosyo. Gaya ng paggamit ng chat bot na mas mainam sa Facebook Page dahil ‘di mo na kailangan ng maraming taga-sagot sa mga private message sa FB messenger. Ang maganda rito, libre pa ito! Saliksikin ang mga bagong teknolohiya na aayon sa iyong negosyo na mas magiging episyente ang trabaho.
#5 Huwag Matakot Makipagsapalaran
Karamihan sa mga maliliit na negosyo ay takot sumugal o mag-risk. Ang katotohanan, kung maliit ka at ‘di ka makikipagsapalaran – na kalkulado – ‘di mo mahihigitan ang malalaking negosyo. Gaya rin yan ng mga katulad ng Facebook na nakipagbanggaan sa dating higanteng Friendster na kalau-na’y natalo nila. Tandaan mo na mas mainam na magsaliksik ng mabuti bago mag-risk. Sa huli, ang pagnenegosyo ay lakasan na lang naman ‘yan ng loob. Samahan mo ng taimtim na dasal, may magandang kahihinatnan ka rin.
oOo
Si Homer Nievera ay isang digital transformator at founder ng Negosentro.com na tumutulong palawigin ang kaalaman sa internet at teknolohiya para maiangat ang kabuhayan ng mga Filipino. Kung may katanungan, magpadala ng mensahe sa email.negosentro.com o hanapin siya sa Facebook.com/thepositivevivespage.
Comments are closed.