MAYNILA- NAGBUNGA ng magandang resulta ang halos tatlong linggong Enhanced Community Quarantine (ECQ) makaraang lumiit ng halos 85% ang bilang ng bagong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) gayundin ang pagliit ng bilang ng nasawi. Ito ay batay sa case bulletin number 21 ng Department of Health (DOH) ay dahil 76 lamang na pasyente ang nagpositibo sa nasabing sakit. Mas mababa ito ng 309 o halos 85% kumpara sa 386 na nadagdag na kaso noong Abril 3.
Ipinagpalagay ng DOH na ito ay dahil sa ipinatutupad na ECQ, social distancing gayundin ang malawak na kampanya, information dissemination at dagsang testing kit kung bakit kumaunti lang ang nagpositibo sa mga person under investigation (PUI) at person under monitoring (PUM).
Ikinagalak naman ng DOH ang pagrekober ng limang iba pa na pasyente kaya umabot sa 57 ang napauwi na mula sa confinement sa iba’t ibang ospital.
Samantala, maging ang bilang ng mga nasawi sa naturang sakit ay bumaba rin ng halos 70% o 21 sa dating 29 deaths. Sa ulat, walo lang ang nadagdag sa nasawi kaya inihayag ni Health Usec. Ma. Rosario Vergeire na nakikiramay ang pamahalaan sa mga nasawi na ngayon ay nasa 144 na.
Muli, nagpapaalala ang kagawaran na sumunod sa bilin ng gobyerno na social distancing, Stay at Home at palakasin ang immune system para makaiwas sa sakit. Sakaling may nararamdaman, agad kumonsulta sa doktor para maagapan at mag-self quarantine upang hindi na makahawa pa. EUNICE C.
Comments are closed.