MAGUINDANAO DEL SUR- BINAWIAN ng buhay ang lima katao kabilang na ang apat na bata dahil sa dehydration kasunod ng outbreak sa diarrhea sa isang liblib na barangay sa nasabing lalawigan.
Sa pahayag ni Fuad Samola, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer (MDRRMO) ng Talayan, Maguindanao del Sur na ang mga biktima ay umiinom ng tubig mula sa apat na poso sa Barangay Tamar ng bayan ng Talayan.
Kabilang sa mga nasawi ay ang mga paslit na nasa edad 2, 3, 5, at 15-anyos, habang ang isa pang biktima ay nasa 40-anyos.
“Starting on Dec. 31, they have complained of severe stomach pain, dizziness, and vomiting, so we rushed them to various hospitals,” ani Samola.
Humigit-kumulang 10 pasyente ang nanatili sa ospital noong Miyerkules.
Sinabi ni Samola na ang lokal na pamahalaan, sa payo ng Municipal Health Office ay kinordonan na ang apat na water pump na matatagpuan sa Sitio Sinindulan ng Barangay Tamar, upang maiwasan ng mga residente ang paggamit ng mga pasilidad.
Naniniwala siya na kontaminado ang pinagmumulan ng tubig na ginagamit sa pag-inom at pagluluto ng may 100 pamilya.
Ang mga water pump ay matatagpuan malapit sa Talayan River kung saan itinatapon ng mga lokal ang kanilang mga basura at naglalaba ng mga damit, mga kagamitan sa kusina, mga toll sa bukid at maging ang mga dumi ng tao.
Kinumpirma naman ni Dr. Mohammad Ariff Baguindali, pinuno ng Integrated Provincial Health Office ng Maguindanao del Sur na ang tubig mula sa poso ay kontaminado.
Sinabi ni Samola na pinagbawalan din ang mga residente na kumuha ng tubig mula sa iba pang likas na pinagkukunan, at ang lokal na pamahalaan ay namahagi ng mineral water sa mga apektadong pamilya bilang pag-iingat.EVELYN GARCIA