KUMUSTA, ka-negosyo? Ang mga pelikulang pangnegosyo ay hindi lamang nakaaaliw ngunit nakapagtuturo rin.
Malaki ang matututunan ng mga beterano at bagong negosyante tungkol sa pagnenegosyo sa panonood ng pinakamahusay na mga pelikulang pangnegosyo sa TV, YouTube, o sa malaking telon man ito. Ngayon kasi, sa dami ng mga platapormang puwedeng pagpanooran, madali ka nang matuto sa mga palabas.
Narito ang 5 sa pinakamahuhusay na pelikulang dapat panoorin ng mga negosyante na maaaring mapagpulutan ng mga aral sa pagnenegosyo.
O, tara na, manood at matuto!
#1 The Founder, 2017
Ipinakita sa akin ng pelikulang ito na ang isang matagumpay na negosyo ay nangangailangan ng simple at maayos na proseso na puwedeng gawin ng paulit-ulit. Itinampok ng pelikula kung paano gumawa ng paraan ang magkapatid na orihinal na may-ari ng McDonald’s na nagpapahintulot sa kanilang mga manggagawa na gumawa ng mga hamburger sa ilang minuto lamang. Ito ang unang nagpabilib sa founder na si Ray Kroc na isang salesman pa lang noon, upang maisip niyang bilhin ang negosyong ito.
Ang istorya ng The Founder ay umikot sa tagapagtatag ng McDonald’s na si Ray Kroc. Sa pelikula, nagsinungaling pa nga siya tungkol sa pagtatatag ng grupo ng mga establisimiyento o prangkisa ng McDo noong nakikipagsara siya upang mabili ito. Gayunpaman, dapat na gayahin ng mga negosyante ang ilang mga katangian niya sa pagnenegosyo.
Sa totoo lang, ang pagkamalikhain ni Ray Kroc, hindi ng mga kapatid, ang nagpasikat sa McDonald’s. Matigas ang ulo nilang hinangad ang pagiging tunay na restawran. Ngunit sadyang malikhain si Kroc. Isa ito sa katangiang dapat gayahin ng mga negosyante.
Isang halimbawa ng isang eksena sa pelikula ay patungkol sa kagustuhan ng mga orihinal na founder, ang magkapatid na nagngangalang MacDonald, ng ice cream sa kanilang mga shake. Ngunit si Kroc, na nagpatakbo ng negosyo, ay nadama na ang pagbabayad para sa mga freezer para hawakan ang ice cream ay masyadong mahal. Sa halip ay nilagyan niya ng tila matamis na pulbos ang shake, na masarap ang lasa at nakatipid siya ng malaking pera.
Magaling, ‘di ba?
Sa pelikula, ipinakita na ang mga sobrang pagtatrabaho bilang isang negosyante ay laging nagiging dahilan ng pagkabigo sa maraming maliliit na negosyo sa kanilang mga unang taon. Ang mga negosyante ay dapat magtrabaho nang mas matalino, hindi mas mahirap.
Ipinakita rin ng The Founder na ang hindi pagsuko ay ang susi sa tagumpay sa mapagkumpitensiyang kapaligiran ng mga korporasyon. Bilang isang negosyante, ito ang magpapatibay sa iyo at bibigyan ka ng lakas ng loob na malampasan ang anumang hamon.
Sa pelikula, ang kahalagahan ng isang diskarte na nakatuon sa kostumer at pag-iisip ng malakihan bilang isang negosyante ay mahalaga.
#2 The Social Network, 2010
Ang “The Social Network” ang isa sa pinakamahusay na mga pelikula para sa mga negosyante dahil dito, lumalaban sa sistema ang mga founder nito.
Ang gumanap na Mark Zuckerberg dito ay nagtayo ng Facebook sa kanyang kuwarto sa dormitoryo ng Harvard para maghiganti sa kanyang dating kasintahan. Sa pagpopondo ng mamumuhunan at kaibigan na si Eduardo Saverin, umangat ang Facebook. Binuo ni Zuckerberg ang Facebook nang nag-iisa, pinababayaan ang pananalapi, batas, at damdamin ng iba.
Sa pelikula, ipinakita na nang si Sean Parker, na tagapagtatag ng Napster, ay sumali sa Facebook, si Saverin ay tinanggal at si Zuckerberg ay nasangkot sa isang mainit na pagtatalo sa pagmamay-ari at mga karapatan ng Facebook.
Ang “The Social Network” ay isang mahusay na pelikula para sa mga negosyante at isang babala sa kung ano ang maaaring mangyari kapag ang isang ideya ay nagsimula at saan ito tutungo kung lumalago na ang negosyo.
Sa kasalukuyang kahalagahan ng Facebook, ang pelikulang ito ay dapat na panoorin para sa sinumang may-ari ng negosyo na gustong palakihin ito at matutunan ang mga panganib ng anumang makabuluhang pagsisikap.
#3 Wall Street, 1987
“Ang kasakiman ay mabuti,” ang walang kapagurang mantra ng “Wall Street” na nahuhumaling sa pera na si Gordon Gekko, na ginanap ng beteranong aktor na si Michael Douglas. Ang pelikulang ito ay yungkol sa kuwento ni Bud Fox (Charlie Sheen), na isang bata at ambisyosong stockbroker na unang sumabak sa pabago-bago ng stock exchange noong 1980s. Sa pamamagitan ng agresibong pamamaraan ng kanyang bagong boss na nakatanim sa kanyang pagsasanay, nakita ni Bud ang kanyang sarili na madaling kapitan sa kaakit-akit at kaguluhan ng kanyang bagong tuklas na pamumuhay.
Bakit isa ito sa mga pinakamahusay na pelikula para sa mga negosyante? Isa itong pagsilip sa mundo ng stocks at investment. ipinakikita ng “Wall Street” kung gaano talaga ang mundo ng mga taong nababalot ng kasakiman.
Makikita rin dito ang dulo at kahihinatnan ng mga taong mapanlinlang sa mundo ng pagnenegosyo.
#4 The Pursuit of Happiness, 2006
Ang totoong kuwentong ito na pinagbibidahan ni Will Smith at ng kanyang anak na si Jaden, ay umiikot sa tunay na buhay ng Amerikanong negosyante na si Chris Gardner. Ang pelikula ay nakasentro sa pakikibaka ni Gardner sa pagiging walang tirahan kasama ang kanyang batang anak.
Sa pelikula, siya ay nagtatrabaho bilang isang salesman na halos hindi kumikita kapag siya ay nawalan ng tirahan. Sa parehong panahon, nakilala niya ang isang tao na nagbibigay sa kanya ng pagkakataong mamasukan bilang isang intern muna na stockbroker. Kalaunan ay humahantong ito sa isang permanenteng posisyon at isang maunlad na karera rito.
Para sa akin, ang pelikulang ito ay isa sa mga pinakamagandang mapanood ng mga negosyante. Bukod sa isang totoong kuwento ito, may mga tunay na aral na maaaring matutunan mula rito tulad ng pananampalataya at paniniwala na ang pagsubok ay malalampasan basta magpatuloy ka lang sa pakikibaka sa buhay. Marami sa mga aral na iyon ang mapupulot mula sa mga pag-uusap ni Gardner sa kanyang anak, tungkol sa hindi pagsuko at hindi pagpapahintulot sa sinuman na tukuyin ang kahihinatnan mo.
#5 Steve Jobs (Movie), 2015
Ang pinakamagandang aspeto ng pelikulang Steve Jobs ay ang karamihan sa mga ito ay tungkol sa kabiguan at kapasidad ng Apple na umangkop at mabuhay. Lubos itong mauunawaan ng mga tunay na negosyante ang mga pangunahing tema na ganito.
Sa peilkula, ipinakita na siya ay iginagalang sa buong tagumpay ng Apple, at maging hanggang ngayon. Iba ang kanyang persepsyon sa realidad. Ang matibay na paniniwala ay maaaring magbigay ng kapangyarihan sa atin ngunit bulag tayo sa ating sariling pag-iral. Inilarawan doon na si Jobs ay kulang sa mga kasanayan sa pag-market o bilang developer, ngunit hindi paniniwala, at madalas niyang ipinakita ang kanyang mga kapintasan sa pamamagitan ng hindi pag-alam kung ano ang kinakailangan upang makagawa ng isang bagay. Nagdisenyo siya ng mga konsepto.
Sa pelikula, ipinakita ni Jobs na ang bawat startup ay dapat maging isang negosyo, ngunit ayaw ni Steve na baguhin ang kanyang pag-uugali. Bagama’t ang kanyang walang personal na diskarte ay nakatulong sa kanya na bumalik sa tuktok, ang landas na iyon ay nangangailangan ng higit na kamalayan.
Sa mga kabiguang naranasan ni Jobs, nailarawan sa pelikula na alam ni Jobs na ang mga pagkabigo ay bahagi ng proseso at kailangang itago para makapag-pokus ang team sa mga solusyon.
Naging powerhouse ang Apple pagkatapos ng 20 taon na pakikibaka sa negosyo. Magandang parte ito ng natutunan ko sa pelikula dahil ang naging sentro dito ay ang pagtuon ni Jobs sa mga kagustuhan ng kostumer at ito’y ibinigay niya sa mga produktong gawa ng Apple.
Konklusyon
Ang panonood ng pelikula sa sinehan o anumang device na meron ka ay huwag mong isasawalang-bahala bilang negosyante. Pipiliin mo rin ang mga may halaga sa iyong buhay at negosyo.
Marami pang pelikula ang nais kong ibahagi rito ngayon ngunit maiksi lang ang pitak na ito para ilarawan ang lahat. Sa susunod ay dadagdagan ko pa, ok?
Ipagpatuloy ang sipag, tiyaga at pananampalatay at ikaw ay magtatagumpay!
vvv
Si Homer ay makokontak sa email na [email protected].