LIMANG Pinoy repatriates na mula sa cruise ship na MV Diamond Princess sa Japan at kasalukuyang naka-quarantine sa New Clark City sa Capas, Tarlac, ang nakitaan ng mga sintomas ng respiratory illness.
Ito ang kinumpirma ni Health Secretary Francisco Duque III sa isang press briefing na idinaos kahapon.
Ayon kay Duque, unang nakitaan ng sintomas ng sakit ang tatlo sa kanila na pawang lalaki, noong Pebrero 26. Dalawa sa kanila, na nagkaka-edad ng 34 at 27 ay nakaranas ng sore throat o pananakit ng lalamunan habang ang isa pa, na 39-years old naman, ay nagkaroon ng ubo kaya’t inilipat sila sa isang referral hospital sa Central Luzon para sa isolation at kaukulang medical management.
Kaagad din silang isinailalim sa pagsusuri at dalawa sa kanila ang nagnegatibo na mula sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) habang inaantabayanan pa ng DOH ang test result ng pagsusuri sa isa pang Pinoy na nakitaan din ng sintomas.
Ang dalawang nagnegatibo na sa sakit ay hindi na umano kailangan pang isailalim sa panibagong laboratory tests para sa COVID-19, ngunit istrikto pa ring isasailalim sa monitoring.
Nasa maayos naman umanong kondisyon ang mga naturang Pinoy na itinuturing na ngayon na Patients Under Investigation (PUIs).
Samantala, kinumpirma ni Duque na bukod sa naturang tatlong Pinoy ay dalawa pang Pinoy na naka-quarantine rin sa New Clark City ang nakitaan ng sintomas ng respiratory illness.
Dinala na ang dalawa pang repatriates sa referral facilities dahil sa pananakit ng lalamunan nitong Biyernes.
Nakatakda ring isailalim sa pagsusuri ang mga ito upang matukoy ang lagay ng kanilang kalusugan.
Habang hinihintay pa ng DOH ang resulta ng mga pagsusuri sa repatriates, tiniyak ni Duque na ang kanilang mga referral hospitals ay ‘well-equipped’ at handa sa paghawak ng COVID-19 cases.
“While we are still waiting for the other test results, we assure the public that our referral hospitals are well-equipped and prepared to handle COVID-19 cases once they arise. Our health response team at the quarantine facility is being extra cautious to prevent further health risks,” anang kalihim.
Samantala, patuloy ang downward trend o pagbaba ng bilang ng mga indibiduwal na itinuturing na patients under investigation, ngunit sa kabila nito ay hindi pa rin umano maaaring maging kampante ang lahat.
Hanggang 12:00 ng tanghali nitong Biyernes ay 30 PUIs na lamang ang naka-admit sa iba’t ibang health facilities sa bansa.
Ang 18 sa mga ito ay naka-confine sa mga ospital sa National Capital Region (NCR); apat ang nasa Central Luzon; tig-dalawa sa Cordillera Autonomous Region (CAR) at Cagayan Valley; habang tig-isa naman sa Central Visayas, Western Visayas, Northern Mindanao, at Ilocos Region.
Sinabi ng kalihim na kabuuang 585 pasyente ang na-discharged na, 531 ang nag-negatibo, na sa COVID-19 at 40 kaso pa ang may pending o naka-binbing test results.
Batay naman sa COVID tracker ng DOH, sa kabuuang 621 PUIs nasa 588 na ang nakalabas na sa pagamutan matapos na magnegatibo sa virus, ngunit isinasailalim pa rin sa istriktong monitoring. ANA ROSARIO HERNANDEZ