5 PULIS MAYNILA NA SANGKOT SA ‘EXTORTION’ SUMUKO KAY ACORDA

SUMUKO nitong Lunes ng gabi kay Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Benjamin Acorda Jr. ang limang pulis Maynila na sangkot sa pagnanakaw at pangingikil sa isang computer shop nitong Hulyo 11.

Unang nakipag-ugnayan ang mga sumukong pulis kay Presidential Anti-Organized Crime Commission Executive Director USec. Gilbert Cruz, na siya nagharap kay Acorda sa Camp Crame sa Quezon City.

Kinilala ang mga sumuko na sina.Pat. Jhon Lester Pagar, Pat Jeremiah Pascual, SSg. Erwin Isaac, SSg Ryan Paculan at Cpl Jonmark Dabucol ng District Police Intelligence and Operation Unit, District Intelligence Division, Manila Police District.

Nagbigay na rin ng pahayag ang lima hinggil sa kanilang kinasasangkutang pagnanakaw sa computer shop ng Brgy. Zone 52, Sampaloc, Maynila.

Sa bahagi ng pahayag ng lima sa pamamagitan ni Paculan, nakasaad na noong Hulyo 7 ay nakatanggap sila ng isang impormasyon kaugnay sa isang computer shop sa nasabing lugar na umano’y may ilegal na aktibidad.

Agad nilang ipinaalam ang impormasyon sa kanilang hepe saka bumuo ng grupo ng operatiba at nagsagawa ng operasyon noong Hulyo 11 ng gabi.

Sa nasabing statement, itinanggi ng lima na humingi sila ng pera sa may-ari ng computer shop na paulit-ulit na binabanggit na kamag-anak ng isang mataas na opisyal at ang tangi lamang nilang nais ay makita ang business permit at mabuksan ang isa sa computer para masiyasat.

“Wala rin pong katotohanan ang alegasyon niyang kinuha naming pera na nagkakahalaga ng P40,000 at P3,500 na halaga ng kaha at pagkuha ng hard drive,” bahagi ng statement.

“Mas gugustuhin naming lumabas ang laman ng hard drive na naglalaman ng CCTV footages na kuha sa loob ng nasabing establisimiyento dahil ito ang magpapatunay sa aming pahayag,” ayon pa sa official statement ng mga inakusahang pulis.

Aminado naman si MPD Director BGen. Andre Dizon, malaking palaisipan sa kanila kung bakit nagtago at nitong Lunes lang sumuko ang mga akusadong pulis.

Sumailalim na sa medical examination ang lima na nasa restrictive custody na ngayong ng MPD.
EUNICE CELARIO