5 PULIS POSITIBO SA COVID-19 POLICE STATION NI-LOCKDOWN

MAGUINDANAO -PANSAMANTALANG ini-lockdown ang isang police station makaraang magpositibo sa COVID-19 ang lima sa 20 pulis na nakatalaga sa bayan ng Pagalungan ng lalawigan ito kamakalawa.

Sa inisyal na ulat, isinailalim sa swab test ang 20 pulis ng Pagalungan police station kung saan lima ang nagpositibo sa virus na kasalukuyang nasa isolation quarantine facility sa mga bayan ng Pikit, Midsayap, Libungan sa Cotabato province at sa bayan ng President Quirino sa lalawigan ng Sultan Kudarat.

Dahil dito, pinalitan ng mga pulis mula sa Police Regional Office ng Bangsamoro Autonomous Region ang mga nakatalaga sa nasabing police station upang pigilan ang pagkalat ng virus sa komunidad.

Kasabay nito, isinailalim naman sa lockdown ang naturang police station para sa disinfection.
Ayon kay Pagalungan Vice Mayor Abdillah Mamasabulod, isang pulis na dumalo sa kapistahan sa bayan ng Midsayap ang sinasabing nakahawa sa mga kasamahan nito sa nasabing presinto. MHAR BASCO

Comments are closed.