5 PULIS SABIT SA TORTURE AT RAPE

CEBU- LIMANG tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang iniimbestigahan at nahaharap sa kasong kidnapping, serious illegal detention with rape at paglabag sa Section 5 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 .

Kinumpirma PNP Police Regional Office 7 na kinasuhan ng isang 19-anyos na babae ang limang pulis matapos na maghain ng sumbong sa National Bureau of Investigation (NBI 7).

Pansamantalang nasa floating status matapos sibakin sa kanilang puwesto ang limang pulis na sinasabing mga kasapi ng Station Drug Enforcement unit.

Kaugnay umano ito sa paghuli at pagditine sa biktima ng mga pulis na dinala sa isang bahay noong Setyembre 19, 2022 kung saan siya pinahirapan at ginahasa pa umano ng isang police asset bago pinakawalan noong September 22, 2022.

Sa sumbong sa NBI 7, nagsagawa umano ng anti drug operation ang mga pulis sa Barangay San Nicolas at pinasok ang bahay na pagmamay-ari ng kaibigan ng biktima at naiwan ang teenager nang magpulasan ang mga tao.

Sa halip na sa presinto dalhin ay sa isang apartment umano siya dinala ng mga pulis kung saan nangyari ang interogasyon, torture at panggagahasa sa kanya.

Ayon kay Lt Col Gerard Perare, tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP) sa Region 7 na hindi lehitimo ang naging operasyon ng mga pulis.

“Ito pong operation na ito or the activity was not sanctioned by the station concerned… These were done in their private capacity or personal capacity because as a matter of policy po, this is not how the PNP conducts its operations,”anang opisyal.

Iginiit ni Perare na hindi nila kinukunsinti ang mga tiwaling opisyal sa kanilang hanay. VERLIN RUIZ