ANG AKALA ng marami, napakadali lang magtayo ng startup. Para sa kanila, basta may ideya ka at may pera ka, magiging matagumpay ang startup mo.
Ang ‘di nila alintana ay ang pinagdaraanan ng mga startup upang maabot ang rurok ng tagumpay. ‘Di ganoon kadali ngunit mailalahad ko ang limang pundasyon na dapat ay mayroon ka. Basahin…
#1 Ang pagkakaroon ng malinaw na bisyon
Ang isang bisyon ay siya ring pananaw ng isang founder ng startup. Ito ang kanyang nakikita kung saan hahantong ang kanyang startup. Ang mahalaga, ito’y malinaw upang kahit na anong balakid ang harapin, kakayanin niya itong itawid dahil lasap niya ang tagumpay.
Para sa akin, ang isang bisyon ng isang startup founder ay nakatuon ‘di lang sa pera kundi sa mga bagay na makatutulong sa tao. Madalas, ito’y solusyon para sa isang problema. Ang mahalaga ay malinaw niya itong natatanaw sa kanyang kaisipan at ito’y gumagabay sa kanyang mga desisyon at pakikipag-ugnayan sa mga taong nasa paligid niya at sa darating pa.
#2 Maayos na liderato
Ang liderato ng isang startup ay siyang nagsasabi kung aangat ba ito o hindi. Kadalasan, kung palpak ang management, palpak din ang mga tauhan. Ito’y dahil na rin sa kakulangan ng direksiyon ng mga tao. Tila sila’y palutang-lutang sa kawalan at malabo ang bisyong inilahad sa kanila.
Ang maayos na liderato rin ang gumagabay sa mga tao ukol sa tamang istratehiya sa iba’t ibang larangan ng startup. ‘Di tatagal ang isang organisasyon kung mula sa mataas na management ay ‘di malinaw ang mga direksiyon na ibinibigay. Nagkakawatak-watak ang mga tao dahil dito.
#3 Kakayahang umangkop
Ang organisasyong may kakayahang umangkop sa kahit na anong sitwasyon ay lumalago. Madalas, ang mga startup ang mabilis umangkop kaysa sa malalaking kompanya. Dahil na rin ito sa liit, kaya ng mga startup na gumalaw ng mas mabilis at makapag-pivot.
Lalo na sa panahong ito na mabilis ang pagpapalit ng teknolohiya, ang kakayahang umangkop ng isang startup ay makauungos.
Madalas kong ikumpara ang barkong sinlaki ng Titanic na tila aabutin ng tatlong oras bago ganap na makaliko ng kaliwa o kanan kaysa sa isang maliit na bapor na makakaliko sa isang minuto lamang.
#4 Abilidad sa pagpokus
Kung startup ka, kakaunti lang iyong mga mapagkukunan ng mga bagay-bagay. Kaya dahil dito, kailangang maging masinop sa mga gawain at ang pokus sa mga nararapat na bagay ang dapat pagtuunan.
May isa akong startup na sinalihan na naging abala ang CEO sa maraming bagay. Nakalimutan niya ang pinakamahalagang bagay na may kinalaman sa teknolohiyang siya lamang ang tunay na inaasahan. Kaya nang mag-abot-abot na ang mga problema, bumagsak ang cashflow nito dahil ‘di na makakolekta. Nag-pokus kasi sa pagbebenta at ‘di nagpokus sa pagsigurong madedeliber ang mga naunang order.
#5 Integridad
Anumang tagumpay ang maabot ng isang startup, kung ito’y nabubuhay ng walang integridad, mabilis itong babagsak. Sigurado ‘yan.
Kung ang kultura ng isang organisasyon ay nakapokus sa kanya-kanyang mga interes, tiyak ang kaguluhan nito at ang ampaw nitong pundasyon ay madudurog agad.
Tingnan ninyo ang nangyari sa mga kompanyang tulad ng Enron sa Amerika na nakatuon lamang sa kikitain ng kanya-kanyang lider. Kaya nang ito’y bumagsak, lumabas na nandadaya ang mga lider sa pag-report ng mga kita at naging ampaw ang tunay na pundasyon nito.
o0o
Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Maaari ninyo pong makontak si Homer sa [email protected].
Comments are closed.