5 PUNDASYON NG MATIBAY NA NEGOSYO

homer nievera

KUNG nagsisimula ka pa lang magnegosyo, marahil ay nais mong patibayin ito upang tumagal at magtagumpay pa sa mahabang panahon.

‘Di ka naman nag-iisa sa ganyang pag-iisip. Ang mga tulad ng IBM, San Miguel Beer, Coca-Cola at Ayala Corporation ay ilan lamang sa mga kompanyang may isandaang taon nang namamayagpag. Marami pa niyan sa ibang bansa gaya ng Europe kung saan mas maagang na-establisa ang sibilisasyon.

Paano naman nila ito nagawa? Ano ba ang mga sikreto nila? Tara na  at talakayin natin!

#1 Mahusay na Business Plan

Marahil ay i­lang beses ko nang nababang­git ang kahalagahan ng isang business plan sa pagnenegosyo. Bakit nga ba hindi? Sa una pa lang, ito na ang pinanggagalingan ng pundasyon ng iyong negosyo. Narito na ang mga mahahalagang rekado. At ‘di ba, ang negosyong walang plano ay nagsasarado?

Ang maayos na business plan kasi ay may maayos na mga istratehiya at mga gawaing magpapalakas ng isang negosyo. Tandaan na ‘di puro pagkamal ng salapi ang laman ng isang business plan. Nandoon din ang mga aksiyong magpapalawig ng estado ng mga tauhan at ang mga komunidad na nakapaloob o apektado nito.

Ang paggawa ng isang business plan ay isang seryosong gawain at ‘di dapat ito minamaliit. Puwede mo rin namang ayusin o i-edit ito habang lumalaon. Ang mahalaga, gumawa nito at sundin sa abot ng makakaya.

#2 Maayos na Brand

Kumusta naman ang brand mo? O ang susunod na mahalagang tanong ay kung mayroon  ka bang brand na tinatawag?

Napapansin mo naman siguro na may mga produkto o serbisyo na ang tinagurian ng mga tao ay ang mga brand nila? Gaya ng prid­yider (refrigerator). Ito ay hango sa brand na Frigidaire na isa sa mga unang brand ng refrigerator na ibinenta sa Amerika. Ang gasul na tawag sa mga LPG. Ito ay hango sa Gasul na ngayon ay Petron Gasul. Kaya kung malakas ang brand mo, siguradong may kalalagyan ka sa hinaharap sa larangan ng pagnenegosyo.

Ang pagpapalago ng isang brand ay naaayon sa galing ng iyong marketing. Ma­rami na ring klase ng pagma-market ang puwede mong gawin para mapalawig ang iyong brand. Ang paggamit ng social media, PR sa pamamagitan ng online at print, out-of-home at marami pang iba na naaayon sa iba’t ibang uri ng media.

Ang sa ganang akin, ang negosyong kayang palawigin ang kanyang brand sa pamamagitan ng word-of-mouth – o yaong kuwento-kuwentong salin-salin ng mga tao, ay siyang pinakamaganda. Ang tawag dito ay viral marketing. Sa susunod na pitak ko ito ikukuwento.

#3 Tamang Tao

Wala naman sigurong matagumpay na negosyo at iyong nagtatagal ng ilang dekada na walang mahuhusay na tao, ‘di ba?

‘Di nga ba kung may kilala kang mga tao na nagtatrabaho sa mga malalaking kompanya  gaya ng Unilever o SGV ay sasabihin mong  magaling iyong mga taong iyon? ‘Yan ang epekto ng isang mahusay na pagnenegosyo kung saan pinahahalagahan ng pamunuan ang mga tauhan nito.

Nagagawa naman ito sa tamang training at coaching ng mga tauhan,  gayundin sa mga ehekutibo.

Tandaan mo na kasama sa pagpapaha­laga  ng mga tao ay ang iyong mga kostumer. Palawigin mo pa ang after-sales service at customer service mo. Ayusin ang mga pinagkukunan ng feedback o puna sa iyong mga brands upang mas ma­gampanan mo ang pa­gpapahalaga sa mga sinasabi ng kostumer mo.

#4 Establisadong Kapital

Kumusta naman ang kapital mo?

‘Yan ang tanong na mahirap minsang sagutin kung negosyante ka. Sa totoo lang, ang madalas na sagot ay “kulang!”

Pero bakit nga ganoon na lang lagi ang sagot? ‘Di ba dapat aabot sa puntong tama na  ang kapital mo? Ngunit ang katotohanan ay habang lumalaki ang iyong negosyo, mas manga­ngailangan ka ng patuloy na kapital. Dapat, establisado ito dahil pundasyon ng isang matagumpay na kompanya ay ang kanyang cashflow.

Kung maayos na ang cashflow mo, ang perang kakailanganin upang lumago naman ang pagtutuunan mo ng pansin. Ingat lang sa pagkakautang. Sa huli, dapat maayos ang balance ng cash mo. Mas malaki dapat ang pera mo kaysa  utang.

#5 Pagtuon sa iyong Competitive Advantage

Lahat ng negosyo ay may katapat na kakumpitensiya. Ang pagkakaiba lamang ay minsa’y maliliit lang. Sa pagkain, lasa at namnam sa mata ang madalas na lamang ng isang fastfood sa isa. Sa mga bangko naman ay lokasyon. Kanya-kanyang competitive advantage ‘yan. Pero ang mahalaga, ikaw ba o ang iyong brand ay may kalamangan sa iyong kakumpitensiya. Anuman iyon, dapat pahalagahan mo ito. Ang dalawangsoftdrinks na Coke at Pepsi ay ilang dekada na nag-uumpugan. ‘Di naman sila mailubog nang husto ng isa’t isa, ‘di ba? Gayundin ang  Jollibee at Mcdonald’s sa Filipinas  kung saan lamang ang isa sa ibang larangan.

Saliksiking mabuti ang lamang mo sa iba. ‘Yun ang dapat pagtuunan ng pansin at ilarga pa ang pag-market nito.

Pagtatapos

Ang pagkakaroon ng malayong pananaw sa iyong negosyo ay mahalaga kung nais mong tumagal. Ipagpatuloy ang positibong pananaw at kilalanin ang kakayahan mong lumago. Higit sa lahat, mangarap para sa kinabukasan kasama ng pagtitiwala sa sarili  at pananampalataya sa Diyos.

o0o

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Maaari siyangmakontak sa email niya na [email protected].

Comments are closed.