BULACAN-LIMANG drug pusher ang nadakip at nakumpiskahan ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit P38,000 sa magkasunod na buy-bust operations na ikinasa ng Bulacan Provincial Intelligence Unit(PIU)sa Barangay Bulihan,Malolos City at Barangay Sagrada,Hagonoy,kapwa sa lalawigang ito kamakalawa.
Base sa report ni P/Major Jansky Andrew Jaafar,hepe ng Bulacan PIU,nakilala ang mga naarestong sina Jose Leonides Angeles;Anicete Buenaventura alias Ani,kapwa nakatira sa Barangay Bulihan,Malolos City;Manolo Gutierres alias Manny;Ramon Siongco alias Ramon ,kapwa naninirahan sa bayan ng Hagonoy at Alfonso Victor Tanglao,residente ng bayan ng Sta.Maria.
Nabatid na bandang alas-3:05 ng hapon nang unang magkasa ng buy-bust operation ang tropa ng Bulacan PIU sa pangunguna ni P/Major Jaafar sa Barangay Bulihan,Malolos City at makorner sina Angeles at Buenaventura gayundin, dakong alas-12:05 ng madaling araw nang ilatag ang ikalawang anti-drug operation sa Barangay Sagrada,Hagonoy at matimbog naman ang tatlong suspek.
Nakarekober ang Bulacan PIU ng kabuuang 39 pakete ng shabu na tinatayang may timbang na 5.7 gramo na may Dangerous Drug Board(DDB)value na P38,780 at kaagad ipinasailalim sa drug test ang mga nasakote at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165.
Samantala,dalawang drug suspect din ang nadakip ng Station Drug Enforcement Unit(SDEU)ng Meycauayan City police nang mahuli sa aktong nagsasagawa ng pot session sa Barangay Bayugo,Meycauayan City,Bulacan kamakalawa.
Kinilala ni P/Lt.Col.Bernardo Pagaduan, Meycauayan City police chief,ang naarestong sina Jasper Nejal at Oliver Magos,kapwa nakatira sa Barangay Bayugo,Meycauayan City na nahuli sa akto ng SDEU na bumabatak kaya kaagad silang inaresto at nakadetine. MARIVIC RAGUDOS
Comments are closed.