MAY blog ka ba? Ito ay madalas kong itanong sa mga negosyante – malaki man o maliit ang kanilang negosyo. Sa larangan ng digital marketing, automatic ang pagkakaroon ng social media pero laging huli ang pag-iisip patungkol sa pagkakaroon ng blog. Kasi ang alam ng mga kausap ko, kung may Facebook ka na, masasabi na itong istratehiya sa digital marketing. Mali ang pag-iisip na ito. Narito ang limang rason kung bakit kailangan ng blog para sa negosyo mo.
#1 Tunay na Presensiya sa Digital
Ang Facebook ay ‘di matatawag na ‘landing page’ kung saan pupunta ang mga kostumer mo online na kapupulutan ng lahat ng bagay at impormasyon patungkol sa produkto o serbisyo mo. Para sa akin, ang halaga ng Facebook ay ang paggamit nito sa customer service, engagement at pagpapalaganap ng mensahe. Ang blog ay ang pangunahing pinaglalayan ng mga content na nais mong mabasa o mapanood ng mga kostumer mo. Naka-categorize din kasi ang content (o nilalaman) ng blog kaya madaling hanapin ang mga content. Tandaan na mas nakikita sa search engines gaya ng Google ang nilalaman ng mga blog kaysa sa Facebook.
#2 Promosyon na Gusto Nilang Mabasa o Makita
‘Di ba, ang mga ads na nakikita sa TV o sa online ay madalas mong nilalaktawan? Habang ang mga artikulo sa mga blog ay hinahanap at pinag-uukulan ng panahon? Kasi ang content na hatid ng blog ay ‘di intrusive o ‘di siya abala sa iyong gawain. Ang pagsasaliksik sa isang bagay sa Google ay kadalasang napupunta sa isang blog. Ginusto mo ang content na ito at ‘di basta isinubo sa harapan mo, tama? Kaya mas may kasiguraduhan ka na bibili sa’yo o magre-refer sa’yo ng kostumer ang blog kaysa sa ads.
#3 Pagpapalaganap na Ikaw ay Eksperto
May kilala akong mga CEO na blogger. Sila itong mga gumawa ng sarili nilang blog at sumikat sila sa pamamagitan nito kahit pa sila’y super busy na tao. Bakit nila ito ginagawa? Bilang CEO ng isang kompanya, ikaw ang numero unong salesman ng kompanya mo. Ang pangunahin mong gawain ay ang maging salesman ng negosyo mo. Sa pamamagitan ng blog, napararating mo na ika’y eksperto sa iyong larangan kaya naman kapani-paniwala ang sinasabi mo tungkol sa iyong brand. Ang maganda nito, ikaw rin ang press writer at press distributor mo. Bilang ‘ambassador’ ng produkto o negosyo mo, trabaho mong palaganapin ang mga balita at opinion mo tungkol sa iyong industriya. Magagawa mo ito nang libre sa iyong blog bilang isang ‘thought leader’.
#4 Pagpapalaganap ng iyong Brand
Katulad ng pagpapalaganap ng iyong pagiging eksperto, ang mismong brand mo ay mapalalaganap mo sa pamamagitan ng blog. Dahil ang blog ay ‘di pag-aari ng sino man na ‘di gaya ng Facebook at Instagram, kontrolado mo ang paglaki nito. Importante ito lalo na’t ang iyong mensahe ang siya mismong nais mong palaganapin.
#5 Koneksiyon at Relasyon para sa Brand at Kostumer
Ang mga blog ngayon ay parang social media na rin na may lagayan ng comments, reviews, videos at photos. Ang koneksiyon na maaari mong magawa sa pamamagitan ng blog ay gaya na rin ng social media. Sa pagtatanong o paghahain ng content, ang reaksiyon o komento ng mga tagasubaybay mo ay makaka-trigger ng interaksiyon mula sa mga kostumer o nais mong maging kostumer. Magagamit mo rin sa pagsasaliksik ang mga kasagutang nakalap mo. Tandaan mo na puwede mong ikonekta sa social media ang blog para mas mapalaganap ang mensahe mo. At mas nabibgyan mo sila ng edukasyon ukol sa produkto o serbisyo mo, nabubuo mo ang loyalty nila saiyo.
Konklusyon
Dalawang bagay ang gamit ng blog sa perspektibo ng digital marketing – content at SEO kaya ito mahalagang aspeto ng iyong istratehiya sa negosyo. Pag-isipan mo muna kung sino ang nararapat na target na mambabasa mo, ayon sa target na kostumer mo. Doon ka magsimula para on-target ang iyong content. Ang keywords na mahalaga sa kostumer mo ay isasama mo sa mga blog para mas mabilis maiakyat ng Google sa search results.
oOo
Si Homer Nievera ay isang digital transformator at founder ng Negosentro.com na tumutulong palawigin ang kaalaman sa Internet at teknolohiya para maiangat ang kabuhayan ng mga Filipino. Kung may katanungan, magpadala ng mensahe sa [email protected] o hanapin siya saFacebook.com/thepositivevibespage.
Comments are closed.