DAVAO CITY – LIMANG miyembro ng communist New People’s Army (NPA) kabilang ang UP cum laude graduate na may kasong human trafficking na ang biktima ay indigenous peoples (IP) ang napatay sa engkuwentro nitong Huwebes ng umaga sa Purok-8, Barangay Andap, New Bataan, Davao de Oro.
Nakasagupa ng 1001st Infantry Brigade ang pangkat ng Communist Terrorist Group’s (CTGs) Regional Headquarters, Southern Mindanao Regional Committee (RHQ, SMRC) na pinamumunuan ni Eric Jun Casilao alias Wally/Ellan at Regional Operations Command, SMRC (ROC, SMRC) sa ilalim ng pamumuno ni Leo Lacumbo alias OLE.
Ayon kay 10th Infantry “Agila” Division Commander MGen Nolasco Mempin, nagresulta ang naganap na serye ng sagupaan sa pagkamatay ng limang CTG members at pagkasugat ng marami pang CPP-NPA cadre.
Kinilala ni Mempin ang mga napaslang na sina Chad Booc alias Chad, sinasabing IP recruiter; Jojarain Alce Naguho II alias Rain; isang alias Daday at dalawang hindi pa nakikilalang terorista.
Sa pagtakas ng mga rebelde ay narekober ng mga sundalo ang 1 M653 rifle, 1 caliber 45 pistol, 1 hand grenade, 1 anti-personnel mine, assorted food supplies at mga personal na gamit.
Magugunitang noong Pebrero 15, 2021, si Chad ay isa sa mga personalidad na inaresto sa Bakwit school sa San Carlos University, Talamban Campus sa Cebu City dahil sa kasong alleged trafficking ng Indigenous People mula Talaingod, Davao del Norte. VERLIN RUIZ