5 REGIONS NASA RED ALERT DAHIL SA BAGYONG GORING

KASALUKUYAN nang isinailalim sa red alert ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) limang rehiyon sa Luzon dahil sa banta ng super typhoon Goring.

Ayon sa pahayag ni NDRRMC spokesperson Edgar Posadas ang limang rehiyon na nasa red alert status ay ang mga sumusunod: Cordillera region, Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, at Mimaropa.

Sinabi ni Posadas na nasa red alert din sa ngayon ang ahensiya na nagpapatupad ng mga heightened preparedness measures habang ang bagyo ay lumakas at naging isang super typhoon na rumaragasa sa hilagang Luzon.

Sa ilalim ng red alert, ang emergency operations center (EOC) ng kagawaran sa Camp Aguinaldo sa Quezon City gayundin ang mga lokal na counterpart nito ay full force physically at virtually.

Ang mga ahensya na miyembro ng NDRRMC ay nakahandang tumugon at kahandaan sa pagganap ng kanilang misyon at mayroon sapat na tauhan upang mas mabilis na matugunan ang mga pangangailangan.

Sinabi ni Posadas na kanilang napagdesiyunan na itaas sa red alert para mas matututukan ang pagresponde partikular ang mga pangangailangan ng mga kababayan nating apektado ng super typhoon Goring.
EVELYN GARCIA