BULACAN- LIMANG rescuer mula sa Bulacan Provincial Rescue Group na nakabase sa Malolos City ang nasawi makaraang hampasin ng malakas na tubig-baha ang kanilang sinasakyang bangka at masawi sa pagkalunod habang tumutupad sa kanilang tungkulin upang tulungan ang mga residenteng naapektuhan ng pananalasa ng Super Bagyong Karding sa bayan ng San Miguel sa lalawigang ito kamakalawa.
Base sa report, nakilala ang mga nasawing sina Narciso Calayag, Jerson Resurecion, Marvy Bartolome, George Agustin at Troy Justin Agustin, pawang miyembro ng Bulacan Provincial Rescuer.
Ang limang biktima ay natagpuang sa magkakahiwalay na lugar sa bayan ng San Miguel matapos tangayin ng malakas na daloy ng tubig-baha dulot ng Bagyong Karding.
Nabatid na pasado alas-7 ng umaga kahapon nang makatanggap ng impormasyon mula sa mga residente sa nasabing bayan ang San Miguel PNP hinggil sa limang rescuers na pawang nasawi sa pagkalunod at magkakahiwalay na natagpuan sa Sitio Banga-Banga,Barangay Camias, San Miguel.
Lumilitaw na may nakakita sa limang Bulacan rescuer na bumaba ng truck matapos masiraan at nagdesisyong sumakay na lamang ng bangka at habang naglalayag ang bangka ay biglang rumagasa ang malakas na daloy ng tubig-baha at mawasak ang isang bahagi ng kongkretong pader na humampas sa kanilang sinasakyang bangka at tuluyan silang anurin sa ibat-ibang bahagi ng Barangay Camias.
Namahagi naman ang pamahalaang panlalawigan ng Bulacan ng relief goods sa 50 pamilyang naapektuhan ng Bagyong Karding sa Obando Evacuation Center.
Ang mga nasawing Bulacan Rescuers ay nakatakdang bigyan ng mataas na parangal ng Provincial Government ng Bulacan bukod pa sa personal na tulong na ipagkakaloob ng gobernador sa pamilya ng mga nasawing rescuer. MARIVIC RAGUDOS/ THONY ARCENAL