OCCIDENTAL MINDORO-APAT na miyembro ng communist New People’s Army ang napaslang sa naganap na magkahiwalay na military operation sa lalawigang ito at Masbate.
Sa ulat na nakarating sa punong himpilan ng Philippine Army sa Fort Andres Bonifacio saTaguig na 2 miyembro ng NPA ang napaslang ng Army’s 68th Infantry Battalion, at Philippine National Police Special Action Force sa Brgy. Malpalon, Calintaan, Occidental Mindoro.
Unang nasawi sa labanan ang isang babaeng kadre na nabawian ng isang M16 rifle at ikinasugat ng isang sundalo.
Tumakas ang mga kasamahan nito subalit naabutan ang mga rebelde ng mga tumutugis na tropa mula 4th Infantry Battalion, 76th Infantry Battalion, at 68IB na ikinamatay ng isa pang NPA at pagkakabawi sa dalawa pang baril.
Samantala, sa ulat na ibinahagi ni Southern Luzon Command chief LtGen Bartolome Bacarro ng Philippine Army na may dalawang NPA din ang napatay ng mga tauhan ng Army’s 2nd Infantry Battalion, nang masabat nila ang may 20 CTG’s habang nagsasagawa ng security operations sa area ng Brgy. Miabas, Palanas, Masbate.
Nakuha sa encounter site ang isang M16 rifle, anti-personnel mine, at bandolier matapos na tumakas ang mga rebelde.
Una rito inihayag ni Bacarro, ang pagsuko ng tatlong NPA sa Milagros Masbate, habang libo-libong bala at mga baril naman ang na-recover ng kanyang mga tauhan sa Bulan Sorsogon. VERLIN RUIZ