5 SANGKOT SA DROGA NAISELDA; 2 VK MACHINES NASAMSAM

selda

BULACAN – LIMA katao kabilang ang isang babae ang nadakip ng Drug Enforcement Unit (DEU) operatives ng Meycauayan City police makaraang kumagat sa entrapment sa Barangay Langka, Meycauayan City habang nakakumpiska din ang pulisya  ng dalawang video karera machine sa isa pang police operation sa nasabing lungsod kamakalawa.

Base sa report ni P/Lt.Col.Aquino Olivar, Meycauayan City police chief, kay Col. Emma Libunao, Acting Provincial Director ng Bulacan PNP, na­kilala ang mga nadakip na sina Ronald Gomez, kabilang sa drug watchlist sa nasabing lungsod; Erjay Dela Cruz; Ronaldo Macatulad; Hector Tan at Reynalyn Godoy; pawang nakatira sa Villarin St.Villacor Village, Barangay Langka

Nabatid na nagkasa ng anti-illegal drug operation ang DEU-Meycauayan City PNP dakong alas-10:45 ng gabi matapos magpositibo ang impormasyon na nagtutulak ang nasabing grupo ng droga sa Barangay Langka,Meycauayan City at hindi na nakaporma ang mga suspek nang makipagtransaksyon sa undercover agents.

Narekober sa mga suspek ang walong pakete ng shabu at buy bust money kung saan ipinasailalim sa week long surveillance ang mga suspek bago nadakip na nahaharap ngayon sa kasong posesyon at pagtutulak ng droga at ipinasailalim sa drug test sa Bulacan Police Laboratory Office sa Malolos.

Samantala, sa hiwalay na anti-illegal gambling operation ng Meycauayan City PNP nakarekober sila ng dalawang yunit ng VK machines sa Tabon St.,Barangay Caingin,Meycauayan City ngunit hindi nila nadakip ang financier at operator ng tinatawag na devil machines na kinalolokohang sugal ng mga kabataan. MARIVIC RAGUDOS

Comments are closed.