CALOOCAN CITY – SUGATAN ang tatlong security guards na nakatalaga sa Carmel Development Corporation makaraan ang pagsabog ng isang granada matapos ang pisikalan na paghaharap ng mga residente ng Pangarap Village.
Nakilala ang mga guwardya na sina Michael Maramag, 32, Nelson Villalobos, 53 at Ariel Tejero, 29, na isinugod sa Dr. Jose N. Reyes Memorial Hospital at matapos magamot ang mga tinamong sugat sa katawan ay pinayagan ng makalabas ang mga ito.
Sa report na natanggap ni Northern Police District (NPD) Director Chief Supt. Rolando Anduyan, naganap ang insidente alas-2 ng madaling araw kung saan isang sari-sari store na pagmamay-ari ni Sheryl Acebuche-Acta sa 093 Araneta Avenue, Pangarap Village, Brgy. 181 ang nasunog.
Dahil limang metro lamang ang layo mula sa guard post ng Carmel Development Corporation, sinisi ng mga galit na residente ang mga guwardya kaya humantong sa mainitan at pisikalan na komprontasyon na naging dahilan upang magkubli ang mga biktima sa likod ng kanilang service vehicle.
Makalipas ang ilang sandali, may sumabog sa gilid ng service vehicle ng mga guwardya na nagresulta sa pagkakasugat ng mga biktima.
Natigil lang ang kaguluhan nang dumating ang mga rumespondeng mga tauhan ng PCP 4 sa pangunguna ni Senior Insp. Rammel Ebarle kasama ang mga opisyal ng Barangay 181.
Habang isinasagawa ang imbestigasyon, sinabi ni Acta sa pulisya na bago ang pagsabog, nakita niya ang tatlong lalaki na nakasuot ng mga bonnets at asul na guard uniforms na nagtatago sa puno ng niyog kung saan isa sa mga ito ang nagpaputok ng shotgun pababa na sinundan ng pagsabog ng granada.
Matapos ang pagsabog, mabilis na tumakas ang tatlong nakamaskara patungo sa Ciudad Real Subdivision sa San Jose Del Monte. EVELYN GARCIA