TATLONG linggo na lamang ang hinihintay at magreretiro na si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Archie Gamboa subalit wala pang matunog na pangalan ang papalit sa kanya.
Ito ay dahil wala pa umanong iniendorso si Interior and Local Government Secretary Eduardo Año at maging si Gamboa.
Gayunpaman, ani Año, tatlo hanggang sa limang pangalan ang posibleng isama niya sa short list na kanyang isusumite kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Aniya, posibleng umanong bago sumapit ang huling Linggo ng Agosto ay magsusumite na siya ng kanyang endorsement o shortlist ng mga kandidato para sa magiging susunod na pinuno ng PNP.
“Lahat naman ng three-star ranks’ ay kandidato at prayoridad na pagpipilian. Depende naman sa Pangulo kasi kahit hanggang one-star rank puwede rin siya mamili,” giit ni Año.
Idinagdag pa nito na kay Pangulong Duterte naman ang huling pasya kung sino ang ipapalit sa kasalukuyang PNP chief na magreretiro na sa darating na Setyembre 2.
Napag-alaman na ilan sa posibleng contenders para sa naturang posisyon ay sina Lt. Gen. Camilo Cascolan, deputy chief for administration at head ng Administrative Support to Covid-19 Operations Task Force (ASCOTF); Lt. Gen. Guillermo Eleazar, deputy chief for operations at commander of the Joint Task Force Covid Shield; at Lt. Gen. Cesar Hawthorne Binag, chief of the PNP directorial staff.
Gayundin, dark horse umano si NCRPO Chief Maj. Gen. Debold Sinas na maaring makasilat na sinasabing paretiro na Mayo 2021.
Subalit, kung paiiralin ang seniority, puwede ring makasingit si Cascolan na batchmate ni Gamboa sa Philippine Military Academy (PMA) Class 1986 na magreretiro na rin sa darating na Nobyembre .
Samantalang sina Binag at Eleazar na kapwa mula sa PMA Class 1987 ay magreretiro naman sa Abril at Nobyembre, 2021.
Sa panig naman ni Gamboa ay wala pa itong naiindorso sa Palasyo dahil abala siya sa kampanya laban sa COVID-19. VERLIN RUIZ
Comments are closed.