PORMAL na binuksan ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela ang kanilang kauna-unahang drug treatment at rehabilitation facility na tinawag na “Balai Banyuhay” sa Barangay Punturin, Huwebes ng umaga.
Pinangunahan nina Mayor WES Gatchalian at Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang ceremonial launching ng center para sa buong operasyon nito para sa mga residente at hindi residente ng lungsod na kasalukuyang nahaharap sa mga hamon tulad ng pag-abuso sa mga ipinagbabawal na sangkap upang mabigyan sila ng mahusay at makataong rebabilitative measures.
“Naniniwala kami na ang problema sa droga ay hindi lamang problema ng isang lugar. This is an interconnected issue, which transcends the physical borders of our city,” pahayag ni Mayor WES matapos matapos buksan ang mga pintuan ng Balai Banyuhay sa kanilang mga kalapit na lungsod.
Sa panig naman ni Senador Dela Rosa na nagsilbing panauhing pandangal, nagbigay siya ng payo sa mga doktor at nagtatrabahong kawani ng center na isaisip na ang problema sa droga ay problema sa kalusugan ng publiko at hindi lamang problema sa kaayusan ng publiko.
“It is important then that we offered the best kind of health as equal for the sake of every patient. Let us take this addiction problem to mind but with the stake the recovery to heart,” ani Senador Bato.
Ang Balai Banyuhay ay itinatag sa bisa ng Ordinansa Blg. 603 Series of 2009 na inakda ni Konsehal Atty. Bimbo Dela Cruz at Konsehal Ramon Encarnacion. Ang salitang balai na ang ibig sabihin ay tahanan at banyuhay na para sa bagong anyo ng buhay o pagbabagong-anyo kung saan ang mga Valenzeulano na nalulong sa ipinagbabawal na droga ay tuluyang makabawi at magiging mga constructive na miyembro ng komunidad.
Ang five-storey drug rehabilitation center ay una nang pinondohan ni Sen. Win Gatchalian sa pamamagitan ng paglalaan ng P50 milyon at dagdag na P115 milyong puhunan mula sa Lungsod ng Valenzuela. Ang kabuuang puhunan ng lungsod ay nagkakahalaga ng P180,476,448.65 na kinabibilangan din ng restoration at repair nito at mga karagdagang kasangkapan.
Kasama sa mga serbisyo at pasilidad ng Balai Banyuhay, ay isang 100-bed capacity na sleeping headquarters, detoxification section, medical consultation section, psychological section, clinical laboratory, drug-testing laboratory, dental section, workshop area, lounge area, kusina, mini garden, multi- layuning lugar ng palakasan, silid-aralan, at iba pang mga opisina. EVELYN GARCIA